"LET THERE BE LIGHT" Ministries
ANG TATAK ng BUHAY na DIOS
at
ANG TANDA ng HAYOP
"At ang lahat maliliit at malalaki, at mayayaman at mga dukha, at ang mga laya at ang mga alipin ay pinagbigyan ng isang tanda sa kanilang kamay, o sa noo: At nang huwag makabili o makapagbili ang sinoman, kundi siyang mayroong tanda, sa makatuwid ay ng pangalan ng hayop o bilang ng kaniyang pangalan." Apokalipsis 13:16-17.
Nais ba ninyong maunawaan ang kahulugan ng mahahalagang salitang ito? Kung gayon, basahin ninyong maingat ang mga sumusunod:
Nang akayin ng Dios ang Kaniyang bayan palabas sa Egipto, at sila'y pinakain Niya ng manna sa ilang, kinakailangan nilang mamulot ng sapat na manna para sa araw na iyon tuwing umaga, at anumang manna na hindi nagamit ay nagkakauod at namamaho. Ngunit sa ikaanim na araw kinakailangan nilang "maghanda ng kanilang dala, na ibayo ng kanilang pinupulot sa araw-araw....At kanilang itinatago hanggang sa kinaumagahan...at hindi bumaho....Kaya ang bayan ay nagpahinga sa ikapitong araw." Exodo 16:5, 24, 30. Ipinapakita ng mga salitang ito na nalalaman na ng mga tao ang ikapitong araw ng Sabbath ng Dios bago pa man ibigay ang kautusan sa Bundok ng Sinai!
Sa Sinai, ang Dios mismo ang bumaba at nagpahayag sa Kaniyang banal na kautusan -- ang sampung utos. Inyong pansinin na ang ikaapat na utos, na may kinalaman sa Sabbath ng Dios, ang siyang pinakapusod o sentro ng kautusang ito. Ito ang tatak na inilagay ng Dios sa Kaniyang kautusan sapagkat ito'y nagtataglay ng tatlong mahahalagang bagay na kinakailangan upang maging matibay o makatwiran ang kautusan: Ang PANGALAN ng gumawa o nagbigay ng kautusan --Panginoon; ang kaniyang opisyal na KATAYUAN O KATUNGKULAN -- Manlalalang; ang Kaniyang NASASAKUPAN -- langit at lupa.
Basahin natin ang utos tungkol sa Sabbath:
"Alalahanin mo ang araw ng Sabbath upang ipangiling may kabanalan. Anim na araw na gagawa ka at iyong gagawin ang lahat ng iyong gawain: ngunit ang ikapitong araw ay Sabbath sa Panginoon mong Dios: sa araw na iyan ay huwag kang gagawa ng anomang gawa...Sapagka't sa anim na araw ay ginawa ng Panginoon ang langit at lupa, ang dagat, at lahat ng nangaroon, at nagpahinga sa ikapitong araw; na anopa't pinagpala ng Panginoon ang araw ng Sabbath, at pinakabanal." Exodo 20:8-11.
Ang ikapitong araw na Sabbath ay bahagi ng kautusang yaon na ilalagay ng Dios sa pag-iisip at isusulat sa mga puso ng Kaniyang bayan (tingnan ang Hebreo 8:10). Ang Sabbath ay siyang tatak, o tanda na ilalagay din ng Dios sa mga noo ng Kaniyang mga lingkod (tingnan ang Apokalipsis 7:3).
Malinaw na ipinahayag ng Dios: "Bukod dito'y ibinigay ko rin naman sa kanila ang aking mga Sabbath, upang maging tanda (tatak o marka) sa akin at sa kanila...upang inyong maalaman na ako ang Panginoon ninyong Dios." Exodo 20:12, 20.
Ang Sabbath ay bahagi ng kautusan na dinakila ni Jesus at ginawang marangal, at siyang Kaniyang sinasabi na: Aking tinupad ang mga utos ng aking Ama" Juan 15:10.
Kaya nga "Ang nagsasabing siya'y nananahan sa kaniya ay nararapat din naming lumakad na gaya ng inilakad niya." 1 Juan 2:6. Nangangahulugan na dapat rin niyang sundin ang lahat ng mga utos ng Dios.
Sinabi ni Jesus: "Huwag ninyong isiping ako'y naparito upang sirain ang kautusan o ang mga propeta: ako'y naparito hindi upang sirain, kundi upang ganapin....Hanggang sa mangawala ang langit at ang lupa, ang isang tuldok o isang kudlit, sa anomang paraan ay hindi mawawala sa kautusan, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay." Mateo 5:17-18.
Sa huling aklat ng Biblia -- ang Apokalipsis, makikita rin natin na itinaas o dinakila ang kautusan ng Dios at tinawag ang pansin doon sa mga nag-iingat at tumutupad ng mga utos na ito.
"...narito ang mga nagsisitupad ng mga utos ng Dios at ng pananampalataya ni Jesus." "At ang dragon...ay umalis upang bumaka sa nalabi...na siyang nagsisitupad ng mga utos ng Dios." "Mapapalad silang mga nagsisitupad ng kaniyang mga utos, upang sila'y magkaroon ng karapatan sa punong kahoy ng buhay, at makapasok sa bayan sa pamamagitan ng pintuan." Apokalipsis 14:12, 12:17, 22:14.
Sa kabila ng halimbawa ni Cristo at ng Kaniyang mga salita ng katotohanan, ang "taong makasalanan...na sumasalangsang at nagmamataas laban sa lahat na tinatawag na Dios o sinasamba" (2 Tesalonica 2:3-4), ay nangahas na ilagay ang kaniyang kamay sa kautusan ng Dios at dahil dito'y kaniyang tinutupad ang hula ng Daniel 7:25 -- na binabanggit na siyang babangon at "kaniyang iisiping baguhin ang panahon at ang kautusan." Nais ba ninyong malaman kung sino ito? Ipinakita ito ng malinaw ng salita ng Dios, pati na ng kasaysayan.
Ang Apokalipsis 12:1-5 ay nagbibigay ng isang paglalarawan sa kapanganakan ni Jesus. Isang malaking dragong mapula ay tumayo sa harapan ng babaing malapit nang magluwal ng isang anak, "upang lamunin ang kaniyang anak pagkapanganak niya." Ang babae ay kumakatawan sa iglesya ng Dios, at ang dragon ay sinasabing si Satanas (talatang 9). Siya ang kumilos o nag-udyok kay Herod upang litisin at patayin ang Tagapagligtas (tingnan ang Mateo 2:13-18). "Datapuwa't ang punong ahente ni Satanas sa pakikipagbaka kay Cristo at sa kanyang mga tao noong unang dantaon ng panahong Kristiyano ay ang imperyo ng Roma, na doo'y ang paganismo ang siyang naghaharing relihiyon. Sa gayo'y bagaman ang ahas, una-una, ay kumakatawan kay Satanas, ito, sa pangalawang kahulugan, ay sagisag ng paganong Roma.
"Sa ika-13 kapitulo ay isinaysay ang isa pang hayop, ‘katulad ng isang leopardo,’ na binigyan ng ahas ng ‘kaniyang kapangyarihan, at ng kanyang luklukan, at dakilang kapamahalaan.’ Ang sagisag na ito, gaya ng pinaniniwalaan ng maraming Protestante, ay kumakatawan sa kapapahan (Iglesya Katoliko), na humalili sa kapangyarihan at luklukan at kapamahalaan, na minsa'y hinawakan ng unang imperyo ng Roma. Tungkol sa hayop na katulad ng leopardo ay ipinahayag: ‘Binigyan siya ng isang bibig na nagsasalita ng malalaking bagay at mga kapusungan....At binuka niya ang kaniyang bibig sa mga kapusungan laban sa Dios, upang pusungin ang kaniyang pangalan, at ang kaniyang tabernakulo, gayon din naman ang mga nananahan sa langit. At ipinagkaloob sa kanya na makipagbaka sa mga banal, at pagtagumpayan sila...’" The Great Controversy, p 438-439.
Ang kapangyarihang ito ay nagpatuloy, gaya ng inihula, sa loob ng 1260 na mga taon, nagpasimula noong taon ng 538 A.D. at natapos noong 1798 A.D. nang kaniyang natamo ang sugat na ikamamatay (tingnan ang Apokalipsis 13:3). "Sa panahong yaon ang papa ay binihag ng hukbong Pranses, at natamo ng kapangyarihan ng papa ang kanyang sugat na ikamamatay, at ang hula ay natupad..." Ibid., p 439.
Ito ang kapangyarihan na umisip na baguhin ang kautusan ng Dios! Inaamin ng Romano Katoliko na kanilang ipinalit ang unang araw ng sanlinggo (o Linggo) sa ikapitong araw ng sanlinggo (o Sabado) bilang Sabbath ng ikaapat na utos.
"Bilang tanda ng kapangyarihan ng Iglesya Katolika Romana ay sinipi ng mga manunulat na makapapa ‘ang ginawang paglilipat ng kapangilinan sa Linggo, mula sa Sabado, na inaayunan ng mga Protestante;...sapagkat sa pangingilin nila ng Linggo, ay kinikilala nila ang kapangyarihan ng iglesya na magtatag ng mga kapistahan, ipag-utos ang mga ito at ang sumuway ay kasalanan.’ -- Henry Tuberville, An Abridgement of the Christian Doctrine, p 58. Ano nga kung gayon, ang pagkapagbago ng kapangilinan (Sabbath) kundi tanda, o marka, ng kapangyarihan ng iglesya Romana -- ‘Ang tanda ng hayop’?" Ibid., p 448.
"Sa bahaging ito (nang matanggap ng kapapahan ang sugat na ikamamatay) ay may sumipot na ikalawang sagisag. Sinabi ng propeta: ‘Nakita ko ang ibang hayop na umaahon sa lupa; at may dalawang sungay na katulad ng sa isang kordero,’ (Apokalipsis 13:11). Ang anyo ng dalawang hayop na ito at ang paraan ng kanilang paglitaw ay nagpapahiwatig na ang bansang kumakatawan dito ay kaiba doon sa ipinakita sa mga naunang sagisag. Ang mga bantog na kahariang naghari sa sanlibutan ay iniharap sa propeta Daniel na tulad sa mga maninilang hayop, na umahon nang ang ‘apat na hangin ng langit ay nagsihihip sa malaking dagat.’ Daniel 7:2. Sa Apokalipsis 17, ay ipinaliwanag ng anghel na ang mga tubig ay kumakatawan sa ‘mga bayan, at mga karamihan, at mga bansa, at mga wika.’ Apokalipsis 17:15. Ang apat na hangin na nagsisihihip sa malaking dagat, ay kumakatawan sa kakila-kilabot na panoorin ng pagsakop at paghihimagsik na sa pamamagitan nito'y nagtamo ang mga kaharian ng kapangyarihan. (tingnan ang Daniel 7).
"Datapuwa't ang hayop na may mga sungay na katulad ng sa isang kordero ay nakitang ‘umaahon sa lupa.’ Sa halip na magbagsak ang bansang ipinakikilalang ito ng mga ibang kapangyarihan upang maitatag niya ang kaniyang sarili, ay kailangang bumangon siya sa lupaing hindi tinatahanan ng tao at unti-unti at mapayapang lumaki....
"Anong bansa ng Bagong Daigdig ang noong 1798 ay bumabangon sa kapangyarihan...? Isang bansa at isa nga lamang, ang tumatama sa tinitiyak ng hulang ito; hindi mapagkakamaliang tumutukoy ito sa Estados Unidos ng Amerika....
"Ang mga sungay na gaya ng sa isang kordero ay nagpapakilala ng kabataan, kawalang-malay, at kaamuan, na angkop na tumutugma sa Estados Unidos nang ipakita sa propeta nang ito'y ‘bumabangon’ noong 1798." Ngunit ang likas ng maamong hayop na ito ay biglang nagbago at siya ay "‘nagsasalitang gaya ng dragon. At kanyang isinasagawa ang buong kapamahalaan ng unang hayop sa kaniyang paningin, at pinasasamba niya ang lupa at ang nangananahan dito sa unang hayop na gumaling ang sugat na ikamamatay;...na sinasabi sa mga nananahan sa lupa na dapat silang gumawa ng isang larawan ng hayop na mayroon nang sugat ng tabak at nabuhay.’ Apokalipsis 13:11-14....Upang ang Estados Unidos ay makapag-anyo ng isang larawan ng hayop, ay kinakailangan na ang kapangyarihan ng relihiyon ay makapaghari ng gayon na lamang sa pamahalaan, na anupa't ang kapangyarihan ng pamahalaan ay gagamitin din naman ng iglesya sa ikagaganap ng kanyang mga layunin." The Great Controversy, p 439-443.
Ito'y malapit nang matupad. Ang "sugat na ikamamatay" ay halos magaling na, kung paanong ipinahihiwatig ng katanyagan at kapangyarihang tinatamo ng papa.
"Kakila-kilabot ang pangyayaring sasapitin ng sanlibutan. Ang mga kapangyarihan sa lupa, na magtutulong-tulong upang labanan ang mga utos ng Diyos, ay mag-uutos na ang lahat, ‘Maliliit at malalaki, at mayayaman at mga dukha, at ang mga laya at ang mga alipin,’ (Apokalipsis 13:16), ay kailangang makibagay sa mga kaugalian ng iglesya sa pamamagitan ng pangingilin ng araw na hindi tunay na kapahingahan o Sabbath. Lahat ng tatangging tumalima ay lalapatan ng pamahalaan ng kani-kanilang kaparusahan, at sa katapus-tapusan ay ipag-uutos na sila'y nararapat sa kamatayan. Sa kabilang dako, ang kautusan ng Diyos na nagpapakilala ng araw na ipinagpahingalay ng Maykapal ay humihingi ng pagtalima at nagbabala ng poot sa lahat ng sasalangsang sa mga utos nito....
"Ang Sabado ay magiging malaking pansubok ng pagkamatapat, sapagka't ito ang bahagi ng katotohanan na tanging tinututulan....Kung paanong ang pangingilin ng hindi tunay na kapangilinan bilang pagtupad sa batas ng pamahalaan, na ito'y labag sa ikaapat na utos, ay magiging isang katunayan ng pagkilala sa isang kapangyarihan na sumalangsang sa Diyos, ang pangingilin naman ng tunay na kapangilinan bilang pagganap sa kautusan ng Diyos, ay isang katibayan ng pagtatapat sa Maykapal. Samantalang ang isang uri ng mga tao, sa pamamagitan ng tanda ng pagsuko sa mga kapangyarihan sa lupa, ay tumatanggap ng tanda ng hayop, ang isa naman, sa pagtanggap ng tanda ng pagkilala sa kapangyarihan ng Diyos, ay tumatanggap ng tatak ng Diyos." The Great Controversy, p 604-605.
Nawa ay tulungan tayong lahat ng Diyos na makatayo para sa Kaniya!
|
||