"LET THERE BE LIGHT" Ministries
KABANALAN NG LINGGO
Ang unang araw ng sanlinggo, mula pa noong unang mga panahon, ay araw na kung saan sumasamba ang mga pagano, mga mangkukulam, mga shaman, at ibang di-karaniwang tao at espiritista sa araw kaya tinawag na Sun-day o araw ng araw. Hindi ito ang araw ng pagsamba sa Dios ng langit kundi pagsamba sa dios ng sanlibutang ito - si Luciper o Satanas o ang diablo. Matutunton ang pagsamba ng Linggo pabalik sa panahon ng unang Babilonia at ni Nimrod.
Habang ang unang araw ng sanlinggo ay sinusunod ng halos lahat ng mga Kristiyano ngayon sa sanlibutan sa halip na ikapitong araw na Sabbath ng paglalang na siyang iniutos ng Lumikha na dapat nating alalahanin upang ipangiling may kabanalan (tingnan ang Genesis 2:2-3; Exodo 20:8-11), dapat itanong ang katanungang ito: "Bakit nagkaroon ng pagbabago, at5 sa ano at kaninong kapangyarihan nagmula ang paglilipat ng Sabbath ng ikaapat na utos mula sa Sabado patungo sa Linggo?
Inaangkin ng Simbahang Romano Katoliko na sila ang may kapangyarihan nito! Kanilang sinabi:
"Talagang inaangkin ng Simbahang Katoliko na ang pagbabago (mula Sabado patungo sa Linggo) ay kaniyang kagagawan. Hindi sana magkakaganoon, na kung paanong sa panahong yaon ay walang mangarap na gumawa ng anumang bagay na may kinalaman sa espiritual at bagay na pangrelihiyon kung wala siya, at ang pagbabagong iyon ay tanda ng kaniyang kapangyarihan sa simbahan at kapahalaan sa mga bagay na pangrelihiyon." Sulat mula kay H.F. Thomas, Chancellor of Cardinal Gibbons.
Kinikilala ng mga kaanib ng simbahang Katoliko ang kapangyarihan ng Papa at ng kanilang iglesya bilang mas mataasa kaysa sa kapangyarihan ng Dios, at sa gayon ay nakadarama na sila'y ganap ng nasisiyahan sa pagsunod sa utos ng Roma na ingatang banal ang unang araw ng sanlinggo. Ngunit ang mga kaanib ng iglesya Protestante sa pangkalahatan ay tinatanggihan ang kapangyarihan ng iglesya ng Roma, pero patuloy pa rin silang sumasamba kung Linggo - ang araw na kung saan tanging ang simbahang Katoliko ang nag-aangkin ng kapangyarihan na gawing banal. Kaya nga ang mga Protestante na nangingilin ng araw ng Linggo ay walang malay na nagbibigay ng parangal sa kapangyarihan ng Papa ng Katolisismo - at hindi sa Dios ng langit, at ito'y malinaw na nalalaman ng Roma.!
"Ang mga Protestante.tinanggap ang Linggo kaysa sa Sabado bilang araw para sa pangkalahatang pagsamba, pagkatapos na baguhin ng Simbahang Katoliko. Sa pamamagitan ng pangingilin ng Linggo, kanilang tinatanggap ang kapangyarihan ng tagapagsalita para sa simbahan, ang Papa." Our Sunday Visitor, February 5, 1950.
"Makabubuting ipaalaala sa mga Protestante, Baptist, Methodist, at lahat ng mga Kristiyano, na hindi sila kinakatigan ng Biblia saan man sa kanilang pangingilin ng Linggo. Ang Linggo ay isang institusyon ng Simbahang Romano Katoliko, at yaong mga nangingilin sa araw na ito ay sumusunod sa utos ng Simbahang Katoliko." Priest Brady, sa isang talumpati, na naiulat sa Elizabeth, N. J. "News" noong Marso 18, 1903.
Ang Simbahang Katoliko ang.naglipat sa kapahingahang ito (Sabado bilang Sabbath) sa Linggo..Kaya nga ang pangingilin ng Linggo ng mga Protestante ay isang pagsamba o parangal na kanilang ibinibigay sa kapangyarihan ng Simbahan." Monsignor Louis Segur, "Plain Talk about the Protestantism of Today," p 213.
Karamihan sa mga Protestante ay tapat na nagsisikap na paglingkuran at sambahin ang Dios sa abot ng kanilang kaalaman at kakayanan. Ngunit kapag hinarap ng katotohanan tungkol sa pangingilin ng Linggo bilang utos lamang ng Roma at hindi ng Dios, marami ang nagtatangkang ituwid ang pagbabagong mula sa Sabado patungo sa Linggo sa kanilang sariling katuwiran. Ngunit malinaw na wala ni isa mang talat ang nagsasabi na binago ng Dios ang Kaniyang Sabbath sa unang araw ng sanlinggo! Samakatuwid, paano nila nagawang itaas ang unang araw na mas mataas sa Sabbath ng Panginoon, at mag-angking naglilingkod at sumasamba sa Dios?
Mayroong ilang mga kadahilanan o katuwiran ang ipinipilit para sa pangingilin ng unang araw ng sanlinggo, sa halip na Sabbath ng Biblia, na siya nating susuriin.
Unang Katwiran:
"Ang pagtubos ay higit na dakila kaysa paglalang, samakatuwid, dapat nating ingatan ang araw ng pagkabuhay na mag-uli ni Kristo sa halip na lumang Sabbath ng Panginoon."
Saan natin matatagpuan na sinabi ito ng Dios? Hindi ito masusumpungan saan man sa salita ng Dios. Ano ngayon ang karapatan ng sinumang tao na igiit ang bagay na ito at pagkatapos ay doon ibatay ang pagbabago sa Sabbath? Hindi kailanman iniutos ng Dios sa tao na ipangilin ang alinmang araw bilang alaala ng pagliligtas. Ngunit Kaniyang iniutos sa atin na ingatang banal ang ikapitong araw ng Sabbath bilang alaala ng paglalang sa gayon kinikilala natin ang Dios bilang ating Lumikha o Manlalalang.
Kung sakali man, na tungkulin natin na ingatan ang isang araw sa sanlinggo dahil sa katwirang ito, higit na nakatitiyak na ang araw ng pagpako sa krus ang may mabigat na karapatan. Hindi sinabi na magkakaroon tayo ng katubusan sa pamamagitan ng pagkabuhay na mag-uli ni Kristo, kundi sinabi na tayo'y may katubusan sa pamamagitan ng pagbuhos ng Kaniyang dugo (tingnan ang Apokalipsis 5;9; Efeso 1:7, Colosas 1:14; Hebreo 9:12,15).
Ang hiwaga ng ginawa ni Jehovah sa pagbibigay sa Kaniyang pinakamamahal at bugtong na Anak upang mamatay para sa lahing mapanghimagsik ay isang tanawin ng tumutubos na pag-ibig na kung saan mamasdan ng may paghanga ng buong sansinukob sa buong walang hanggan. Sinong mamamangha na ang araw ay nagkubli sa kadiliman at ang lahat ng kalikasan ay nayanig dahil sa tanawin!
Biyernes, ang araw ng pagpako sa Krus, samakatuwid, ang may higit na karapatan kaysa sa araw ng pagkabuhay, ngunit hindi iniutos ng Dios ang pangingilin ng alinman.
Kung ating gugunitain ang pagtubos, hindi na kinakailangan pang agawin o nakawin ang kabanalan ng araw ng kapahingahan ng Panginoon para magawa ito.
Sapagkat ang Dios ay naglaan ng pinaka alaala upang ating magunita ang pangyayaring ito (tingnan ang 1 Corinto 11:23-26).
Ikalawang Katwiran:
"Ang mga alagd ay nagtipon sa araw ng pagkabuhay ng ating Panginoon upang gunitain ang pangyayari, at pinahintulutan ng Tagapagligtas ang pagpupulong na ito sa pamamagitan ng pakikiisa sa kanila (tingnan ang Juan 20:19)."
Sakali ngang ito'y totoo, hindi pa rin mapatutunayan nito na ang Sabbath ng Panginoon ay binago na. Sa ilang mga araw hindi naniwala ang mga alagad na ang kanilang Panginoon ay binuhay mula sa mga patay, ngunit sila'y nagtipon para sa layunin na sama-samang kumain at upang ihiwalay ang kanilang mga sarili sa mga Judio (tingnan ang Marcos 16:12-14; Juan 20:19).
Kaya nga, hindi ginugunita ng mga alagad ang pagkabuhay na mag-uli ng Tagapagligtas, at malinaw din na hindi sila nagkaroon ng bahagya mang idea na binago na ang Sabbath. Kanilang ipinangilin ang Sabbath ayon sa utos, at bumalik sa kanilang mga gawain ng unang araw ng sanlinggo (tingnan ang Lukas 23:55-56, 4:1).
Ikatlong Katwiran:
"'Pagkaraan ng walong araw', si Jesus ay muling nagpakita sa Kaniyang mga alagad (tingnan ang Juan 20:26). Ito'y tiyak na unang araw ng sanlinggo, na dahil dito'y napatunayan na ito ang Sabbath ng mga Kristiyano."
Sinong nakatitiyak na ang "pagkaraan ng walong araw" ay nangangahulugan lamang ng isang linggo? Ang literal na pakahulugan sa salita ay mag-aakay sa isa na magpalagay na ito ay sa ikasiyam na araw "pagkaraan ng ikawalong araw".
Ngunit kahit na ang "pagkaraan ng walong araw" ay mangahulugan na literal na isang linggo lamang, paano mapatutunayan nito na ang Linggo na ang siyang naging "Sabbath ng mga Kristiyano" na kung saan wala ni isa mang katiting na katibayan na si Kristo man o ang Kaniyang mga alagad ay nagpahinga sa araw na yaon/ Walang anumang salitang masusumpungan sa Biblia na "Sabbath ng mga Kristiyano." Ang tanging Sabbath tuwing isang linggo na binabanggit sa Biblia ay tinawag na Sabbath ng Panginoon - ang ikapitong araw.
Pangkaraniwan na na nasusumpungan ni Kristo ang Kaniyang mga alagad na magkakasama sapagkat iisa ang kanilang tinitirahan (tingnan ang Gawa 1:13).
Ikaapat na Katwiran:
"Ang Banal na Espiritu ay bumaba sa mga alagad sa araw ng Pentecostes, na siyang unang araw ng sanlinggo. Samakatuwid, ang unang araw ng sanlinggo ang dapat na ipangilin sa halip na Sabbath ng Panginoon (tingnan ang mga Gawa 2:1-2)."
Aminin man na ang araw ng Pentecostes ay naganap sa unang araw ng sanlinggo, nanatili pa ring dapat patunayan na ang araw na ito na nga ang naging Sabbath. Ang kapistahan ng Pentecostes, at hindi ang unang araw ng sanlinggo, ang itinalaga ng Dios na dapat igalang.
Ang araw ng Pentecostes ay bukod-tanging pinangalanan, ngunit ang araw ng sanlinggo kung kailan ito nangyari ay di pinagtuunan ng pansin. Hindi panukala ng Langit na parangalan ang unang araw ng sanlinggo, kundi upang tandaan ang katuparan ng kapistahan ng Pentecostes. Ang pagpatay sa tupa sa ikalabing apat na araw ng unang buwan ay nasumpungan ang katuparan nito sa kamatayan ng Kordero ng Dios sa araw na yaon (tingnan ang Exodo 12; Juan 19; 1 Corinto 5:7). Ang paghahandog ng mga unang bunga ng ani sa ikalabing anim na araw ng unang buwan ay nakita ang katuparan nito sa pagkabuhay na mag-uli ng ating Panginoon sa araw na yaon, ang panginahing bunga ng mga nangatutulog (tingnan ang Levitico 23; 1 Corinto 15:20-23; Gawa 1:1-2). At ang pagbuhos ng Banal na Espiritu sa Pentecostes ay katuparan ng anino ng kapistahan ng pentecostes. Hindi ang araw kung kailan naganap ang mga pangyayaring ito ang mahalaga, kundi kung paano natupad ang mga anino ng simbolo ng sinaunang seremonya at paglilingkod.
Walang sinalita ang Dios na dapat igalang ang kung kailan naganap ang mga pangyayaring ito, kung kaya walang katibayang makikita na binago na ang araw ng Sabbath ng Dios. "Huwag kang magdagdag sa Kaniyang mga salita, baka...masumpungan kang sinungaling" Kawikaan 30:6.
Ikalimang Katwiran:
"Si Pablo ayu minsang pumutol ng tinapay sa unang araw ng sanlinggo. Kaya ang araw na ito ay ipinangingilin bilang Sabbath ng mga Kristiyano (tingnan ang Gawa 20:7)."
Sa isang panahon ang iglesya sa panahon ng mga apostol sa Jerusalem ay araw-araw nagpuputol-putol ng tinapay (tingnan ang Gawa 2:42-46). Kung ang isang pangyayari sa Troas na pinagputol-putol ang tinapay sa unang araw ng sanlinggo ang bumuo upang ito'y maging Sabbath, hindi ba ang patuloy na pagsasagawa ng iglesya sa Jerusalem noong panahon ng mga apostol na pagpuputol-putol ng tinapay sa ibang mga araw ay sapat na upang gawin o tawagin din ang mga araw na ito na Sabbath?
Bakit pipiliting panghawakan ang isang pangyayari na kung saan ang pagtitipon ay ginanap ng Linggo ng gabi at pagkatapos ay sisikaping patunayan na may pandaraya na ang Sabbath ay binago na, habang kinakaligtaang tingnan ang katotohanan na ang apostol Pablo ring ito ang nangaral at nagturo tuwing ikapitong araw na Sabbath, hindi lamang sa mga Judio, kundi pati sa mga Gentil? (tingnan ang Gawa 13:14, 42,44, 16:13, 17:2, 18:4).
Ikaanim na Katwiran:
"Inutusan ni Pablo ang iglesya sa Corinto na gawin ang pangkalahatang paglilikom sa unang araw ng sanlinggo; samakatwid, ito ay araw ng pangkalahatang pagsamba kaya ito ang Sabbath ng mga Kristiyano (tingnan ang 1 Corinto 16:2)."
Ganunpaman, hindi sinabi ni Pablo na: "Ilagak ninyo ang inyong mga handog sa ingatang yaman ng simbahan sa unang araw ng sanlinggo;" kundi kaniyang sinabi: "Sa unang araw ng sanlinggo ang bawat isa sa inyo ay magtabi ng ganang kanya."
Sinasabihan lamang ng apostol ang bawat isang kapatid sa Corinto na magtabi sa kani-kaniyang bahay ng bahagi ng kaniyang kita sa loob ng isang linggo sa unang araw o sa umpisa ng sanlinggo bago sila magkaroon ng pagkakataon na gastahin ito lahat. Sa pagsunod sa payo ni Pablo, kanilang mailalagay ang Dios at ang Kaniyang gawain na una sa kanilang pananalapi, sa halip na sa katapusan ng sanlinggo kung saan ang lahat ng kanilang salapi ay ubos na.
Ang katanungan ng lahat ay natuon sa kahulugan ngpangungusap na, "by him." Dalawang salin sa Latin, ang Vulgate at ang Castellio ang nagsalin ng parirala, 'apud se,"-"with one's self, at home.' Ang kaparehong salin ay ibinigay din sa marami pang salin.
Ang talata, kung magkagayon, ay hindi nagpapatunay na ang iglesya sa Corinto ay nagtipon para sa pangkalahatang pagsamba kung Linggo; kundi salungat nito, ito'y nagpapatunay na ang bawat isa ay nasa kaniyang sariling tahanan kung saan kaniyang masusuri ang kaniyang pansanlibutang kapakanan at sila'y magbubukod sa umpisa ng bawat sanlinggo kung paanong siya'y pinaginhawa ng Dios. Kung gagawin ng bawat isa ang gayon, kapag pumaroon ang apostol, ang kanilang mga kaloob ay magiging handa at bawat isa ay makapaglalahad sa kaniya ng kanilang tinipon.
Ikapitong Katwiran:
"Si Juan ay nasa Espiritu sa araw ng Panginoon na noon ay inihayag na unang araw ng sanlinggo (tingnan ang Apokalipsis 1:10)."
Ngunit tanungin natin: Sa anong batayan maipalalagay na mapatutunayan nito ang bagay na nais nitong patunayan? Ang talatang ito, totoo, ay nagbibigay ng malinaw na katibayan na mayroong isang araw sa dispensasyon ng ebanghelyo na inaangkin ng Panginoon bilang Kaniya; ngunit mayroon bang isang talata sa Biblia na nagpapatunay na ang unang araw ng sanlinggo ay siyang araw ng Panginoon? Walang isa man na nagsasabi ng ganoon.
Ngunit sa katotohanan mayroong tala na inaangkin ng Dios ang isang araw bilang Kaniya at inilaan Niya ito sa Kaniyang sarili bilang Kaniyang Sabbath.
"At binasbasan ng Dios ang ikapitong araw, kaniyang ipinangilin; sapagkat siyang ipinagpahinga ng Dios sa madlang gawang Kaniyang nilikha at ginawa." Genesis 2:3.
"Sapakat sa isang dako ay sinabi niya ang ganito tungkol sa ikapitong araw, At nagpahinga nang ikapitong araw ang Dios sa lahat ng kaniyang mga gawa.May natitira pa ngang isang pamamahingang Sabbath, ukol sa bayan ng Dios" Hebreo 4:4,9 (tingnan din ang Exodo 16:23, 20:10; Isaias 58:13; Marcos 2:28).
Kung magkagayon ang ikapitong araw ang siyang araw ng kapahingahan na inilaan ng Dios para sa Kaniya nang Kaniyang ibigay sa tao ang anim na araw, at ang araw na ito ay Kaniyang tinawag na Kaniyang banal na araw. Ito ang araw na ipinahahayag ng Bagong Tipan na kung saan ang Anak ng tao ay siyang Panginoon nito. Mayroon lamang isang araw na hinihirang ang Biblia bilang araw ng Panginoon, at ito'y walang iba kundi ang Sabbath ng ikaapat na utos - ang Sabado. Sinumang Kristiyano na patuloy na sumasamba ng Linggo - ang unang araw, habang kanilang nalalaman na ang Sabbath ng Panginoon sa Biblia ay Sabado - ang ikapitong araw, ay ipiapakita, kung gayon, na kanilang pinaglilingkuran, sinasamba, at iginagalang ang kapangyarihan ng Papa ng Katolisismo at hindi ang Panginoong Dios ng Biblia.
Kung ang lahat ng katwiran, kuru-kuro, at kadahilanan para sa kabanalan ng pangingilin ng Linggo sa halip na Sabbath ng Biblia ay lubusang nasiyasat, ang sumusunod na dalawang talata ay nagsasabi ng malinaw kung ano ang dapat gawin ng bayan ng Dios sa tunggaliang ito:
"Dapat muna kaming magsitalima sa Dios bago sa mga tao." Gawa 5:29.
"Ito ang wakas ng bagay; lahat ay narinig: ikaw ay matakot sa Dios, at sundin mo ang Kaniyang mga utos; sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao. Sapagkat dadalhin ng Dios ang bawat gawa sa kahatulan pati ng bawat kubling bagay, maging ito'y mabuti o maging ito'y masama." Eclesiastes 12:13-14.
Nawa ay pagkalooban tayo ng Dios ng biyaya, kalakasan at tapang na masunod ang Kaniyang mga kautusan at maipakita ang ating katapatan tanging sa Kaniyang kapamahalaan na Siya lamang ang pinaglilingkuran at sinasamba.
Nawa ay tulungan Niya tayo na huwag nating ibigay ang ating katapatan sa kapangyarihan o kapamahalaan ng sinumang tao o simbahan, o paglingkuran man at sambahin ang sinumang tao o iglesya na kapalit ng Dios.
|
||