"LET THERE BE LIGHT" Ministries
home  |  Tagalog Tracts

PAANO  NAGSIMULA  ANG  KASALANAN?

     Para sa marami, ang paglitaw ng kasalanan ay isang malaking hiwaga. Hindi nila nauunawaan kung paanong pinahintulutan ng Dios na mapagmahal at may magandang kalooban ang isang bagay na magdudulot ng kahirapan at sakit. Ngunit hindi dapat magkaroon ng hiwaga kung paanong nagsimula ang kasalanan at bakit patuloy na nananatili sa ating sanlibutan.
     Itinuturo sa atin ng Biblia na "Ang gumagawa ng kasalanan ay sa daiblo; sapagka't buhat pa ng pasimula ay nagkakasala ang diablo." 1 Juan 3:8.
     Nagsimulang bumangon ang kasalanan sa puso ni Lucifer. Sinasabi sa atin ni propeta Isaias na si Lucifer o si Satanas o ang diablo ay dating isang magandang makalangit na anghel ng kaliwanagan.
     "Ano't nahulog ka mula sa langit, oh tala sa umaga, anak ng umaga! Paanong ikaw ay lumagpak sa lupa, ikaw na siyang nagpahina sa mga bansa!" Isaias 14:12.

     Ang pangalang "Lucifer" ay nangangahulugan na "tagapagdala ng liwanag." At ito ay nagbibigay sa atin ng ilang kuru-kuro ng kaniyang orihinal na kaliwalhatian. Bagaman siya ngayon ay isa nang bumagsak na nilalang, hindi siya isang napakapangit na nilalang na kadalasang inilalarawan sa kaniya.
     Sinasdabi sa atin ni apostol Pablo na magagawa ni Satanas na mag-anyong anghel ng kaliwanagan kung kinakailangan sa kaniyang mga panukala (tingnan ang 2 Corinto 11:14-15). At panukala ni Satanas na gawin ang kaniyang gawain, kasama ng gawain ng kaniyang mga alagad, na magmukhang katulad ng gawain ng Dios. Sa gayon maraming mga tao ang kaniyang madadaya.
     Si Ezekiel ay nagsalita tungkol kay Satanas (tinutukoy bilang hari ng Tiro) na nagtataglay ng hindi mailarawang kagandahan.
     "Ikaw ay nasa Eden, na halamanan ng Dios; lahat na mahalagang bato ay iyong kasuutan....Ikaw ang pinahirang kerubin na tumatakip: at itinatag kita, na anopa't ikaw ay nasa ibabaw ng banal na bundok ng Dios; ikaw ay nagpanhik manaog sa gitana ng mga batong mahalaga. Ikaw ay sakdal sa iyong mga lakad mula sa araw na ikaw ay lalangin, hanggang sa ang kalikuan ay nasumpungan sa iyo. Ang iyong puso ay nagmataas dahil sa iyong kagandahan; iyong ipinahamak ang iyong karunungan dahil sa iyong kaningningan." Ezekiel 28:13-15, 17.
     Bagama't isang anghel ng kaluwalhatian, si Satanas ay nagmataas sa kaniyang sariling kagandahan; at sa kaniyang kapalaluan o pagmamapuri, siya'y nagpasiya na hindi na niya kinakailangan pa na magpasakop sa pamumuno ng Dios.
     "At sinabi mo sa iyong sarili, Ako'y sasampa sa langit, aking itataas ang aking luklukan sa itaas ng mga bituin ng Dios; at ako'y uupo sa bundok ng kapisanan, sa mga kaduluduluhang bahagi ng hilagaan: Ako'y sasampa sa itaas ng mga kaitaasan ng mga alapaap; Ako'y magiging gaya ng Kataastaasan." Isaias 14:13-14.

     Di-nasisiyahan sa kaniyang katayuan bilang tumatakip na kerubin o anghel, ninasa ni Lucifer na maging kapantay ng Dios. Ngunit ito'y nangangailangan ng pagbabago sa sakdal na kalagayan ng langit, na mangyayari lamang kung pararatangan ang Dios na gumagawa ng kamalian sa Kaniyang  gobyerno. Ang paksang batayan ay; Kung ang Dios at di- sakdal, kung gayon bakit susundin pa ang Kaniyang mga kautusan at batas? Dinaya ni Lucifer ang maraming mga anghel na siyang tumulong sa kaniya na magrebelde laban sa Dios. Dahil dito, ang bawa't anghel ay kinakailangang mamili kung sino ang sasampalatayanan at kung sino ang susundin at ipagtatanggol ang Dios o si Lucifer.
     "At nagkaroon ng pagbabaka sa langit: si Miguel at ang kaniyang mga anghel ay nakipagbaka sa dragon; at ang dragon at ang kaniyang mga anghel ay nakipagbaka; At hindi sila nanalo, ni nasumpungan pa man ang kanilang dako sa langit. At inihagis ang malaking dragon, ang matandang ahas, ang tinatawag na Diablo at Satanas, ang dumadaya sa buong sanlibutan: siya'y inihagis sa lupa, at ang kaniyang mga anghel ay inihagis na kasama niya." Apokalipsis 12:7-9.
     Sa pagsisimula ng pagbabaka sa langit, ipinakita ni Satanas na hindi siya titigil hangga't hindi niya natatamo ang kaniyang hangarin na maging kapantay ng Dios; at anumang hadlang sa hangaring ito ay kinakailangang mawala- kabilang na ang Dios.
     Bagama't natalo at inihagis na mula sa langit, hindi pa rin pinatay si Satanas. Bakit? Kung pinatay na ng Dios si Lucifer, hindi magkakaroon ng kasagutan ang mga bintang na ginawa niya laban sa Dios. Dahil dito, kinakailangang bigyan si Satanas ng pagkakataon na ipakita sa buong sansinukob kung anong uri ng gobyerno ang kaniyang itatatag, at ganundin mahayag kung ano ang magiging bunga ng pagpili niyang maghimagsik laban sa Dios. Ang kaligtasan ng buong sansinukob ay nakasalalay sa pagtatanghal na ito at sa magiging wakas na kahihinatnan nito. Walang katanungan ang dapat na manatili sa kung sino ang nagsasabi ng katotohanan - ang Dios o si Lucifer. Kapwa sila makikilala sa pamamagitan ng kanilang mga mga gawa o sa mga bunga na kanilang ipinakikita.
     Kapalaluan ang nag-akay kay Satanas na kaniyang nasain ang maging kapantay ng Dios at ang pagnanasa ring ito ang kaniyang sinisikap ngayon na pagyamanin sa sangkatauhan. Sa paglapit niya kay Eba, kaniyang tinukso siya na maniwala na ang pagiging kapantay ng Dios ay isang hangaring maaaring matamo - ngunit matatamo lamang sa pamamagitan ng di-pagsunod sa Dios.
     "Ang ahas nga ay lalong tuso kaysa alin man sa mga hayop sa parang na nilikha ng Panginoong Dios. At sinabi niya sa babae, Tunay bang sinabi ng Dios, Huwag kayong kakain sa alinmang punongkahoy sa halamanan? At sinabi ng babae sa ahas, Sa bunga ng mga punongkahoy sa halamanan ay makakakain kami: Datapuwa't sa bunga ng punong kahoy na nasa gitna ng halamanan ay sinabi ng Dios, Huwag kayong kakain niyaon, ni huw3ag ninyong hihipuin, baka kayo'y mamatay. At sinabi ng ahas sa babae, Tunay na hindi kayo mamamatay: Sapagka't talastas ng Dios na sa araw na kayo'y kumain niyaon ay madidilat nga ang inyong mga mata, at kayo'y magiging parang Dios, na nakakakilala ng mabuti at masama." Genesis 3:1-5.

     Sa sandaling pagsunod ni Eba sa mga mungkahi ng Diablo na suwayin ang Dios, siya ay nasa pakikipagkasundo at pakikipagkaisa sa kaaway ng Dios; at siya'y naging ahente ni Satanas upang tulungang maisakatuparan ang pagbagsak ni Adan.
     Ang tao, na nilalang upang maging larawan ng Dios (tingnan ang Genesis 1:26-27), ay napasailalaim sa pamamahala nkapangyarihan na taliwas o laban sa pamamahala at pangunguna ng Dios. Dati ang tao ay nasa pakikipagkasundo sa kaniyang Manlalalang, ngunit ngayon siya ay isa nang rebelde, mapanlaban sa kalooban at mga utos ng Dios.
     "Sapagka't ang kaisipan ng laman ay pakikipagalit laban sa Dios; sapagka't hindi napasasaklaw sa kautusan ng Dios, ni hindi nga maaari." Roma 8:7.

     Inaangkin ng Diablo ang buong sangkatauhan na nasa ilalim ng kaniyang kapangyarihan at sinasabing hindi sila kailanman magiging masunurin sa Dios at patutunayan sa Kaniya na siya ang tama sa tunggaliang ito. Magagawa ng Dios na agad patayin ang tao dahil sa kaniyang paghihimagsik; ngunit sa halip, Siya ay lumapit ng buong pagmamahal sa tao sa pagsusugo kay Hesus upang maging katulad natin at mamatay na kahalili natin.
     Nang si Hesus ay bumaba sa sanlibutang ito, siya ay dumating bilang ating Tagapagturo. Bilang ating Tagapagturo, Siya ay namuhay ng isang buhay sa di-makasariling pagsunod sa Dios, na binigyan tayo ng sakdal na halimbawa kung magiging ano tayo sa pamamagitan Niya. Sa pamamagitan ng Kaniyang mga bunga, ipinakita ni Kristo na Siya ang katotohanan at ang daan sa kaligtasan at kalayaan mula sa kasalanan. Sa pamumuhay ng buhay na masunurin sa ating katauhan, hindi lamang ipinagtanggol ni Hesus ang Dios sa pagpapatotoo na ang kautusan at kaharian ng katuwiran ng Dios ay sakdal, kundi inihayag rin Niya na makakayang lahat ng tao na masundan ang Kaniyang halimbawa at maging masunurin. Samakatuwid, ipinakita ni Kristo na walang dahilan sa sinuman sa atin na magpatuloy sa pagkabihag sa kasalanan.
     "Sapagka't sa ganitong bagay kayo'y tinawag: sapagka't si Kristo man ay nagbata dahil sa inyo, na kayo'y iniwanan ng halimbawa, upang kayo'y mangagsisunod sa mga hakbang Niya: Na siya'y hindi nagkasala, o kinasumpungan man ng daya ang Kaniyang bibig." 1 Pedro 2:21-22.

     Nang si Kristo ay namatay sa krus, si Satanas ay nalantad; kaniyang inihayag ang kaniyang sarili na mamamatay-tao, at sa ilalim ng kaniyang pamahalaan lahat ng bagay na mabuti at marangal ay aalisin. Inalis na niya magpakailanman mula sa simpatiya ng manonood na sansinukob at ginawang tiyak ang kaniyang pagkawasak. Dahil sa kaniyang mga bunga, ipinakita na si Satanas ay isang sinungaling at siyang daan sa pagkabiahg sa kasalanan at kamatayan.
     Sa pagpapahintulot sa mga prinsipyo ng kasalanan sa ganap na pagkahinog nito, pinagkalooban ng Dios ang bawat nilalang sa sanlibutan ng pagkakataon na makita kung saan patutungo ang kasalanan. Sa pagkakita sa kakila-kalibot na bunga ng kasalanan, bawat tao ay makagagawa na ngayon ng matalinong pagpapasya kung sino ang kanialng susundin at sisikaping ipagtanggol sa tunggaliang ito - ang Dios ba o si Satanas.
     Sinabi ni Hesus sa Kaniyang mga tagapakinig ang tungkol kay Satanas:
     "Siaya'y isang mamamatay-tao buhat pa nang una, at hindi nananatili sa katotohanan, sapagka't walang katotohanan sa kaniya. Pagka nagsasalita siya ng kasinungalingan, ay nagsasalita siya ng sa ganang kaniya: sapagka't siya'y isang sinungaling at ama nito." Juan 8:44.

     Nang si Satanas ay nasa langit pa, na sinisikap itatag ang isang bagong kalagayan ng mga bagay, ang wakas na bunga ng kasalanan ay hindi pa malinaw. Nakita ng Dios ang hangganan ng kasalanan at kasakiman. Sa paglalagay kay Kristo sa kamatayan, inihayag ni Satanas kung ano mamamana ng kasalanan sa lahat ng panahon. Ang kalbaryo ay siyang kahayagan lamang ng kasalanang ganap na nahayag. Ang ating makasalanang mga gawa ay isang paglalarawan ng paghihimagsik sa kalooban. Kaya nga lahat ng kasalanan, maging maliit o malaking pagsuway man ito sa ating palagay, ay ginagawa tayo nitong bihag sa pamamahala ni Satanas at dahil dito ay nagiging kabahagi sa kasalanan ng pagpatay kay Kristo!
     Si Satanas ay puno ng pagkamuhi hindi lamang kay Kristo, kundi sa lahat ng pipiling susunod sa Kaniya at magtatanggol sa Dios. Totoo na si Hesus, bilang isang tao, ay nanagumpay kay Satanas, kaya nga ginagawa ni Satanas na hindi matamo ng mga tagasunod ni Kristo ang tagumpay na natamo Niya. Kaya nga , si Satanas, sa pamamagitan ng kaniyang mga ahente, ay nagpapatuloy sa tunggalian at pakikipagbakang ito laban sa Dios sa pamamagitan ng pag-atake sa Kaniyang mga tagasunod.
     "At nagalit ang dragon sa babae, at umalis upang bumaka sa nalabi saz kaniyang binhi, na siyang nagsisitupad ng mga utos ng Dios, at mga may patotoo ni Hesus." Apokalipsis 12:17.

     Bagaman maitago ng diablo ang kaniyang tinig, ang kaniyang maraming mapandayang mga toerya ang palaging mag-aakay sa iisang kaisipan; na " Kahit papano ang Dios ay may pakinabang sa atin kung ating sundin ang Kaniyang mga kautusan, at mayroon ding matatamo sa pagsuway sa Kaniya," Ang mapandayang kasinungalingang ito ay tinanggap ni Adan at Eba, na siyang nagbigay ng pahintulot sa kasalanan at kamatayan na pumasok sa sanlibutang ito. Ngunit pumarito si Kristo sa sanlibutang ito upng tulungan kayo at ako na makatakas sa kasalanan sa pamamagitan ng Kaniyang biyaya at kalakasan at ng sa gayon tayo'y magtamo ng buhay na walanghanggan kung Siya'y muling dumating.
     Kung inibig natin si Kristo at ating ipasasakop ang ating sarili sa Kaniya, Kaniyang ipinapangako na Kaniyang iuugnay ang ating mga puso sa Kaniya; ang ating kalooban kung magkagayon ay magiging kaisa ng Kaniyang kalooban; ang ating kaisipan ay magiging kaisa ng Kaniya; at ang kautusan ng Dios ay magiging kaluguran natin.
     "Sapagka't ito ang pakikipagtipang aking gagawin sa sangbahayan ni Isarel pagkatapos ng mga araw na yaon, sinasabi ng Panginoon; Ilalagay ko ang aking mga kautusan sa kanilang pag-iisip, at sa kanilang mga puso'y aking isusulat ang mga ito: at Ako'y magiging Dios nila, at sila'y magiging  bayan Ko." Hebreo 8:10.

     "Aking kinalulugurang sundin ang iyong kalooban, oh Dios ko; oo, ang iyong kautusan ay nasa loob ng aking puso." Awit 40:8.

     "Ang salita mo'y aking iniingatan sa aking puso: upang huwag akong magkasala laban sa iyo." Awit 119:11.

     Sa pamamagitan ng paraang ito, maging ang ating mga kaisipan ay nadadalang bihag kay Kristo, na pinahihintulutan tayo na masundan natin ang Kaniyang halimbawa ng pagsunod at ating maipamuhay sa ating sarili ang Kaniyang buhay.
     "Sapagka't bagaman kami ay nagsisilakad sa laman, ay hindi kami nangakikipagbakang ayon sa laman: (Sapagka't ang mga sandata ng aming pakikilaban ay hindi ukol sa laman, kundi sa harapan ng Dios ay may kapangyarihang gumiba ng mga kuta.); Na siyang gumigiba ng mga maling haka, at ng bawat bagay na matayog na pagmamataas laban sa karunungan ng Dios, at bumibihag sa lahat ng pag-iisip sa pagtalima kay Kristo." 2 Corinto 10:3-5.

     Ang kaligtasang inihahatid sa atin ni Hesus ay hindi isang kaligtasan sa pagsuway. Kundi Kaniyang dinala sa atin ang paglaya mula sa kapangyarihan ng kasalanan, upang sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Hesus magagawa at makakaya nating ipamuhay ang isang buhay ng pagsunod, maipakita na ang Dios ay siyang totoo, at mapatunayan na si Satanas ay isang sinungaling.
     "...at ang pangalang itatawag mo sa Kaniya'y Jesus; sapagka't ililigtas Niya ang Kaniyang bayan mula sa kanilang kasalanan." Mateo 1:21.

     "At nang Siya'y mapaging sakdal, ay Siay ang gumawa ng walanghanggang kaligtasan ng lahat na mga nagsisitalima sa Kaniya." Heb. 5:9.

     Kaya't sa pamamagitan ng ating mga gawa, o ng mga bungang ating ipinapakita, tayo ay makikilala kung tayo'y mga tagasunod ng Dios, o mga tagasunod ni Satanas - ating ipagtatanggol ang Dios o ipagtatanggol si Satanas.
     "Ang sinomang gumagawa ng kasalanan ay sumasalangsang din naman sa kautusan: at ang kasalanan at ang pagsalangsang sa kautusan. At nalalaman ninyo na siya'y (Jesus) nahayag upang mag-alis ng mga kasalanan; at sa kaniya'y walang kasalanan. Ang sinomang nanahan sa Kaniya ay hindi nagkakasala; sinomang nagkakasala ay hindi nakakita sa Kaniya, ni hindi man nakakilala sa Kaniya. Mumunti kong mga anak, huwag kayong padaya kaninoman: ang gumagawa ng katuwiran ay matuwid, gaya niya na matuwid. Ang gumagawa ng kasalanan ay sa diablo; sapagka't buhat pa ng pasimula ay nagkakasala ang diablo. Sa bagay na ito'y nahayag ang Anak ng Dios, upang iwasak ang gawa ng diablo. Ang sinomang ipinanganak ng Dios ay hindi nagkakasala. Dito nahahayag ang mga anak ng Dios, at ang mga anak ng diablo." 1 Juan 3:4-10.

     Nawa ay tulungan ng Dios ang bawa't isa sa atin na lubusang lumapit kay Kristo at pahintulutan Siya na isabuhay ang Kaniyang buhay sa pamamagitan natin, upang hindi na tayo maging alipin pa ng kasalanan sa ikamamatay, kundi maging mga alipin ng katuwiran tungo sa buhay na walanghanggan.