"LET THERE BE LIGHT" Ministries
ANG MGA BATAS NA ITO ISINASAULI ANG KALUSUGAN!
Mga Batas ng Kalikasan
Makapagbibigay tayo ng maraming sanhi ng pagdaranas ng karamdaman sa ating sanlibutan ngayon, ngunit ang pangunahing sanhi ay ang pagsuway sa mga batas ng kalikasan. "Ang mga batas ng kalikasan, bilang mga kautusan ng Dios, ay ginawa para sa ating ikabubuti; na ang pagsunod sa mga ito ay magpapaunlad ng kasiyahan sa buhay dito at tutulong sa paghahanda para sa buhay na darating." Ministry of Healing p 146.
Ating tingnan kung ano-ano ang mga batas na ito: "Malinis na hangin, sikat ng araw, pagtitimpi, kapahingahan, ehersisyo, tamang pag-kain, ang paggamit ng tubig, pagtitiwala sa banal na kapangyarihan- ang mga ito ang tunay na lunas. Ang bawat tao ay dapat magkaroon ng kaalaman sa nakapagpapagaling na pamamaraan ng kalikasan at kung paano ito gamitin. Mahalaga na maunawaan ang mga prinsipyong nakapaloob sa pagpapagaling ng may sakit at magkaroon ng praktikal na pagsasanay upang magamit ng tama ang kaalamang ito." Ministry of Healing p 127.
Ang pagsunod sa mga batas na ito ay magpapanumbalik ng kalusugan doon sa marami na ngayon ay nagdaranas ng sakit. Kung nais ninyo ng higit na pag-aaral tungkol sa mga batas na ito at kung paano sila gamitin sa inyong pangaraw-araw na pamumuhay, sumulat lamang sa ibinigay na address sa babasahing ito at kami ay magagalak na ipadala sa inyo ng libre ang aklat na ginamit.
Kasama ng batas ng kalikasan, ang Dios ay nagbigay sa atin ng mensahe sa kaniyang salita na dapat nating sundin dito sa lupa upang tayo ay lumago sa espiritual at magkaroon ng walang hanggang buhay kung si Jesus ay dumating upang tayo'y dalhin sa langit. Ang mga mensaheng ito ay ang mga sumusunod:
Mga Kautusang Espiritual
MENSAHE NG UNANG ANGHEL
"At nakita ko ang ibang anghel na lumilipad sa gitna ng langit, na may mabuting balita na walang hanggan upang ibalita sa mga nananahan sa lupa, at sa bawat bansa at angkan at wika at bayan, At sinasabi niya ng malakas na tinig, Matakot kayo sa Dios at magbigay kaluwalhatian sa Kaniya; sapagkat dumating ang panahon ng Kaniyang paghatol: at magsisamba kayo sa gumawa ng langit at ng lupa at ng dagat at ng mga bukal ng tubig." Apokalipsis 14:6-7.
Isang mensahe ng babala sa sanlibutan: na matakot sa Dios, ang ating Manlalalang, na sambahin tanging Siya lamang, at magbigay kaluwalhatian sa Kaniya sa pamamagitan na maipakita natin ang Kaniyang likas o pag-uugali, sapagkat ang panahon ng pagsisiyasat ng mga kasalanan (una sa mga patay pagkatapos ay sa mga buhay) ay dumating na, at ipangaral ang Walang hanggang Ebanghelyo, na nakapaloob ang panukala ng pagtubos, at kaligtasan mula sa lahat ng kasalanan sa pamamagitan ni Hesu-Kristo ang tanging Tagapamagitan sa Dios at sa tao.
(Para sa karagdagang pag-aaral: Gen 1:1; Ex 20:3-6; 1 Hri 8:60; Awit 19:9; Kaw 2:5, 3:19; Ecl 12:13; Mt 5:6, 28:19; Jn 1:3, 14:6, 17:3; Gawa 1:8, 14:15, 17:24-25; 1 Cor 10:31; 1 Tim 2:5).
MENSAHE NG IKALAWANG ANGHEL
"At ang iba, ang pangalawang anghel, ay sumunod na nagsasabi, Naguho, naguho ang dakilang Babilonia, na siyang nagpainom sa lahat ng bansa ng alak ng kagalitan ng kaniyang pakikiapid." Apokalipsis 14:8.
Ang pagguho o pagbagsak ng Babilonia ay kumakatawan sa moral na pagbagsak ng lahat ng Protestanteng mga Iglesya noong 1844, sapagkat kanilang tinanggihan ang liwanag ng katotohanan na ipinagkaloob sa kanila buhat sa langit sa pagpapahayag ng Mensahe ng Unang Anghel. Ang mensaheng ito ay panawagan parin para sa laht ng mga Kristiyano na humiwalay mula sa kaniloang bumagsak na mga iglesya.
(Para sa karagdagang pag-aaral: Isa 28:7, 48:17-20; Jer 50:6, 51:6,8, 51:44-45; Eze 21:3-4; Zec 2:6-7; Mt 24:15-16; Mr 13:14; Lk 21:20-21; Gawa 15:14; Apok 11:8, 16:19, 17:18, 18:1-5).
ANG MAKALANGIT NA TEMPLO, KABAN, AT DI- NABABAGONG
KAUTUSAN NG DIOS
"At kanilang igawa ako ng isang santuario; upang ako'y makatahan sa gitna nila. Ayon sa lahat ng aking ipinakita sa iyo, sa anyo ng tabernakulo at sa anyo ng lahat ng kasangkapan niyaon ay gayon ninyo gawin." Exodo 25:8-9.
"At nabuksan ang templo ng Dios na nasa langit: at nakita sa Kaniyang templo ang kaban ng Kaniyang tipan." Apokalipsis 11:19.
"Ito ang wakas ng bagay, lahat ay narinig: ikaw ay matakot sa Dios, at sundin mo ang Kaniyang mga utos; sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao. Sapagkat dadalhin ng Dios ang bawat gawa sa kahatulan, pati ng bawat kubling bagay, maging ito'y mabuti o maging ito'y masama." Eclesiastes 12:13-14.
Mayroong templo sa langit na siyang tularan ng santuario sa lupa. Ang santuario na ito sa langit ay binubuo ng dalawang silid; ang una ay tinatawag na banal na dako, ang ikalawa ay ang kabanalbanalang dako. Sa ikalawang silid ay masusumpungan ang kaban ng Dios na naglalaman ng Kaniyang di-nababagong kautusan na walanghanggang kalangkap sa sampung kautusan na siyang kpoya ng kaniyang pag-uugali. Ang mga banal na prinsipyo ng Dios, ang Kaniyang moral na hinihingi ay sumasaklaw sa lahat ng tao sa buong kapanahunan at bumubuo sa saligan ng Kaniyang pakikipagtipan sa Kaniyang bayan at siyang pamantayan ng pag-uugali sa huling paghatol.
(Para sa karagdagang pag-aaral: Bil 14:18; Kaw 28:13; Jer 32:19; Eze 18:30, 33:20, 34:17, 20; Dan 7:9-10; Mt 22:1-14; Rom 14:12; 2 Cor 5:10; ang buong aklat ng Hebreo; San 4:12; 1 Ped 4:5; Jud 14-15; Apok 5:1-9, 11:18).
ANG GAWAIN NI KRISTO NA PAGLILINIS NG SANTUARIO SA LANGIT
"At sinabi niya sa akin, Hanggang sa dalawang libo at tatlong daang hapon at umaga, kung magkagayo'y malilinis ang santuario." Daniel 8:14.
"...Bawat araw ay pinaka isang taong, aking itinakda sa iyo." Ezekiel 4:6.
Ang gawain ni Kristo sa unang apartment o silid (banal na dako) ay nagsimula sa Kaniyang pagakyat sa langit at nagpatuloy hanggang noong Oktubre 22, 1844 sa katapusan ng 2300 mga araw/taon nang Siya ay pumasok sa ikalawang silid (kabanalbanalang dako) upang simulan ang Kaniyang kahulihulihang gawain ng pamamagitan, pagtubos, at paghatol sa pagsusuri ng kasalanan upang Kaniyang linisin ang santuario sa langit bilang ating Dakilang Saserdote.
(Para sa karagdagang pag-aaral: Lev 16, 23:27-32; Bilang 14:34, 26:33; Heb 6:19-20, 9:3, 7, 11-15, 12:24).
ANG SABBATH
"Alalahanin mo ang araw ng Sabbath, upang ipangiling may kabanalan. Anim na araw na gagawa ka at iyong gagawin ang lahat ng iyong gawain ngunit ang ikapitong araw ay Sabbath sa Panginoon mong Dios: sa araw na iyan ay huwag kang gagawa ng anomang gawa, ikaw, ni ang iyong anak na lalake ni babae, ni ang iyong aliping lalake ni babae, ni ang iyong baka, ni ang iyong tagaibang lupa na nasa loob ng iyong pintuang daan: Sapagkat sa anim na araw ay ginawa ng Panginoon ang langit at lupa, ang dagat, at lahat ng nangaroon, at nagpahinga sa ikapitong araw; na anopa't pinagpala ng Panginoon ang araw ng Sabbath at pinakabanal." Exodo 20:8-11.
Ang Dios mismo, pagkatapos ng anim na araw na gawain ng paglalang, ang nagpala, nagpabanal, nagpahinga sa ikapitong araw bilang Kaniyang natatanging Sabbath (Genesis 2:2-3). Ang ikaapat na utos na ito ng banal na kautusan na isinulat ng Dios ay nag-uutos sa lahat ng Kaniyang tunay na mga tagasunod na ilaan ang ikapitong araw ng bawat sanlinggo, simula sa paglubog ng araw sa Biyernes hanggang sa paglubog ng araw sa Sabado, (Nehemias 13:19 at Levitico 23:32) sa pagsamba sa Dios bilang Kanilang Manlalalang. Kung magkagayon ito'y magiging banal na araw ng kapahingahan na hinihingi ang pagtigil sa lahat ng trbahong hindi kinakailangan at sa gawaing makasanlibutan, at ito'y magiging araw ng pagsasagawa ng mga tungkuling banal at pangrelihiyon. Ang kautusan na ito tungkol sa Sabbath ay naglalaman ng opisyal na tanda o tatak ng Dios na kabilang ang Kaniyang pangalan-"Panginoon mong Dios"; ang Kaniyang opisyal na katungkulan-"Manlalalang"; ang Kaniyang nasasakupan o teritoryo-"langit at lupa". Samakatwid, ang ikapitong araw na Sabbath ay siyang tanda o tatak ng kapangyarihang lumikha at magpabanal ng Dios na matutupad sa pamamagitan ng Banal na Espiritu sa buhay ng Kaniyang masunuring mga anak.
(Para sa karagdagang pag-aaral: Gen 1:5, 8, 13, 19, 23, 31, 2:2-3; Neh 13:19; Isa 8:16, 58:12-14; Eze 20:12; Dan 7:25; Mt 5:17-19; Mk 1:32, 2:27-28; Lk 23:54-56, 24:1; Ef 4:30; Heb 4:4-10; San 2:10-11; Apok 12:17, 14:12).
MENSAHE NG IKATLONG ANGHEL
"At ang ibang anghel, ang pangatlo, ay sumunod sa kanila, na nagsasabi ng malakas na tinig, Kung ang sinoman ay sumasamba sa hayop at sa kaniyang larawan, at tumatanggap ng tanda sa kaniyang noo, o sa kaniyang kamay, Ay iinom din naman siya ng alak ng kagalitan ng Dios, na nahahandang walang halo sa inuman ng kaniyang kagalitan; at siya' pahihirapan ng apoy at asupre sa harapan ng mga banal na anghel, at sa harapan ng Cordero: At ang usok ng hirap nila ay napaiilanglang magpakailan kailan man; at sila'y walang kapahingahan araw at gabi, silang mga nagsisamba sa hayop at sa kaniyang larawan, at sinomang tumatanggap ng tanda ng kaniyang pangalan. Narito ang pagtitiyaga ng mga banal, ng mga nagsisitupad ng mga utos ng Dios, at ng pananampalataya ni Jesus." Apokalipsis 14:9-12.
"Pagkatapos ng mga bagay na ito ay nakita ko ang ibang anghel na nananaog mula sa langit, na may dakilang kapamahalaan; at ang lupa ay naliwanagan ng kaniyang kaluwalhatian. At siya'y sumigaw ng malakas na tinig, na nagsasabi, Naguho, naguho ang dakilang Babilonia, at naging tahanan ng mga demonio, at kulungan ng bawat espiritung karumaldumal, at kulungan ng bawat karumaldumal at kasuklamsuklam na mga ibon. Mangagsilabas kayo sa kaniya, bayan ko, upang huwag kayong mangaramay sa kaniyang mga kasalanan, at huwag kayong magsitanggap ng kaniyang mga salot."Apokalipsis 18:1-5.
Isang solemneng paanyaya ang ibinibigay sa bawat tunay na nagsisising makasalanan na tanggapin ang katuwiran ni Kristo sa pamamagitan ng pananampalataya na ibinilang sa pag-aaring ganap at ibinabahagi sa pagpapakabanal, na makagagawa sa kanila na kanilang masunod ang mga kautusan ng Dios, mapanagumpayan ang lahat ng kasalanan sa pamamagitan ng Kaniyang biyaya at lakas, na pakasakdalin ang kabanalan sa takot sa Dios. Ito rin ay nagbibigay ng babala sa lahat ng sangkatauhan laban sa pagsamba sa hayop (Romano Katolisismo), o sa kaniyang larawan (tumalikod na Protestantismo), o pagtanggap ng tanda ng Katolisismo (na siyang pagpapasailalim sa pagsamba ng Linggo), upang huwag nilang matanggap ang galit ng Dios na ibubuhos sa huling pitong salot. Ito rin ay nagpapaalaala sa lahat ng anak ng Dios upang kusang ihiwalay ang kanilang sarili mula sa lahat ng marumi, tumalikod, patotot na mga iglesya ng Babilonia,- kabilang ang Saksi ni Jehoba, Mormons, ang Church of God of the Seventh Day, ang Seventh day Adventist Reform Movement, ang Seventh day Adventist Church at iba pa, -o kung hindi hihiwalay ay magiging kabahagi ng kanilang mga kasalanan at tatanggap ng kanilang mga salot.
(Para sa karagdagang pag-aaral: Gen 19:24; Exo 20:6; Deut 32:29; 1 Sam 2:6; Awit 92:7; Isa 52:11; Eze 22:31; Dan 3:5-29; Amos 3:3; Lk 17:29; Gawa 2:27; 1 Cor 6:15-16, 19-20; 2 Cor 6:14-18; San 4:12; 2 Ped 3:10; Jud 7; Apok 12:17, 13:1-18, 14:11-12, 15:2, 16:2, 19:10, 20:10, 14-15).
ANG TIYAK NA PAGKAMATAY NG KALULUWA (Kalagayan ng Patay)
"Sapagkat nalalaman ng mga buhay, na sila'y mangamamatay: ngunit hindi nalalaman ng patay ang anomang bagay ni mayroon pa man silang kagantihan; sapagkat ang alaala sa kanila ay nakalimutan. Maging ang kanilang pag-ibig, gaya ng kanilang pagtatanim at ng kanilang pananaghili ay nawala ngayon; na wala man silang anomang bahagi pa na magpakailanman sa anomang bagay na nagawa sa ilalim ng araw.sapagkat walang gawa, ni katha man, ni kaalaman man, ni karunungan man, sa Sheol (libingan), na iyong pinaparunan." Eclesiastes 9:5-6, 10.
Ang kamatayan ay kalagayan ng katahimikan, kawalan ng ginagawa, at ganap na kawalang malay-tao, na tinutukoy sa Biblia bilang "pagkatulog". Samakatuwid malinaw na pinatotohanan ng kasulatan na ang lahat ng mga aparisyon p pagpapakita noong mga namatay na, kabilang ang Birheng Maria, ay espiritu ng demonyo na gumagawa ng kababalaghan upang dayain kung maaari, ang bayan ng Dios (tingnan ang Apokalipsis 16:14). Ang kahatulan ang magpapasya kung ang mga patay ay mabubuhay sa ikalawang pagparito ni Kristo na ibabangon sa unang pagkabuhay na mag-uli upang magmana ng buhay na walang hanggan, o manatili sa libingan hanggang sa ikalawang pagkabuhay na mag-uli upang patayin sa dagat-dagatang apoy na siyang ikalawang kamatayan.
(Para sa karagdagang pag-aaral: Job 14:21; Ecl 3:20; Is 26:14; Eze 18:4; Mt 22:30; Jn 11:24-25; Gawa 2:29, 34, 15:18, 20; Col 3:4; 1 Cor 15:22-23; 1 Th 4:15-17; Heb 9:24, Apo 14:13, 20:5, 21:4).
Kami ay umaasa na kayo ay pinagpala sa pagbabasa ng babasahing ito. Atin nawang maihanda ang ating pangangatawan at espiritual para sa nalalapit na pagbabalik ng ating Panginoon at Tagapagligtas, na si Hesu- Kristo. Maaaring sumulat kung kayo'y mayroong mga katanungan o puna.
|
||