"LET THERE BE LIGHT" Ministries
home  |  Tagalog Tracts

ANG  PAG  -  IBIG  NG  DIOS  SA  IYO  AT  SA  AKIN

     ANG KALIKASAN at ang banal na pahayag ay kapuwa nagpapatotoo sa pag - ibig ng Diyos. Ang Ama nating nasa langit ang siyang bukal ng buhay, ng  karunungan, at ng kaligayahan. Masdan ninyo ang kahanga - hanga at maiinam na bagay ng kalikasan. Isip - isipin ninyo ang kataka - takang pagkakaangkop ng mga iyan sa mga pangangailangan at katuwaan, hindi lamang ng tao, kundi ng lahat ng nilalang na may buhay. Ang sinag ng araw at ang ulan, na nagpapagalak at nagpapaginhawa sa lupa, ang mga burol, dagat at kapatagan, ay pawing nagsasalita sa atin ng pag - ibig ng Lumalang. Ang Diyos ang nagbibigay ng mga kailangan ng lahat Niyang nilalang sa araw - araw.
     Narito ang maiinam na pangungusap ng mang - aawit:
     "Ang mga mata ng lahat ay nangaghihintay sa Iyo; At Iyong ibinibigay sa kanila ang kanilang pagkain sa ukol na panahon. Iyong binubuksan ang Iyong kamay; at sinasapatan Mo ang nasa ng bawat bagay na may buhay." Awit 145:15-16.

     Ginawa ng Diyos ang tao na sakdal sa kabanalan at kasayahan; at ang magandang lupa, pagkapanggaling sa kamay ng Lumalang, ay walang bakas ng kasiraan o anino man ng sumpa. Ang pagsanlansang sa kautusan ng Diyos - sa kautusan ng pag - ibig ay siyang nagdala ng hinagpis at kamatayan. Gayon man, sa gitna ng kahirapang ibinunga ng kasalanan, ay inihahayag pa rin ang pag - ibig ng Diyos. Nasusulat na sinumpa ng Diyos ang lupa sa kapakanan ng tao (Genesis 3:17). Ang tinik at ang dawag - mga kahirapan at mga pagsubok na siyang sanhi ng pagsusumakit at pag - aalaala sa buhay - ay itinakda sa kanyang ikabubuti, na pinaka isang bahagi ng pagsasanay na kailangan sa panukala ng Diyos, upang maiyangat siya mula sa kasiraan at pagkaaba na ginawa ng kasalanan. Nabulid man ang sanlibutan sa pagkakasala, ay hindi naman panay na kalungkutan at kahirapan ang lahat ditto. Sa kalikasan na rin ay may mga pabalita ng pag - asa at aliw na buhat sa Diyos.  Sa mga dawag ay may mga bulaklak, at ang mga tinik ay nangatatakpan ng mga rosas.
     "Ang Diyos Ay Pag - Ibig" sa bawa't bulaklak na namumukadkad, at sa bawa't talbus ng damong sumisibol ay nasusulat: "Ang Diyos ay Pag - ibig" (1 Juan 4:8). Ang mga ibong kaibig - ibig na nagpapasaya sa himpapawid ng kanilang awit; ang may magagandang kulay na bulaklak na nagpapabango sa simoy; ang matataas na punong - kahoy sa gubat pati ng kanilang luntiang mga dahon - lahat ng iyan ay nagpapatoo ng pagmamahal at pagkakalinga ng Ama nating Diyos at sa Kanyang pagnanais na paligayahin ang Kanyang mga anak.
     Inihahayag ang likas ng Diyos ng Kanyang salita. Siya na rin ang nagpapahayag ng Kanyang hindi masukat na pag - ibig at habag. Noong idalangin ni Moises: "Ipakita Mo sa akin ang Iyong kaluwalhatian," ay tumugon ang Panginoon: "Aking papangyayarihin ang Aking buong kabutihan sa harap mo" Exodo 33:18-19. Ito ang Kanyang kaluwalhatian. Ang Panginoon ay nagdaan sa harapan ni Moises, at nagpahayag: "Ang Panginoon, ang Panginoong Diyos na puspos ng kahabagan at mapagkaloob, banayad sa pagkagalit, at sagana sa kaawaan at katotohanan; na gumagamit ng kaawaan sa libu - libo, na nagpapatawad ng kasamaan, at ng pagsalansang." Exodo 34:6-7.  Siya'y "banayad sa pagkagalit at sagana sa kagandahang - loob," sapagka't "Siya'y nalulugod sa kahabagan." Jonas 4:2; Mikas 7:18.

     Tayo'y Natatali sa Kanya Itinali ng Diyos ang ating mga puso sa kanya sa pamamagitan ng di - mabilang na mga tanda ng Kanyang pag - ibig sa langit at sa lupa. Sa pamamagitan ng mga bagay ng kalikasan, at ng pinakamataos at pinakamasarap na pagmamahalan dito sa lupa na maaaring sumilid sa puso ng mga tao ay sinikap Niyang pakilala sa atin. Subali't ang mga ito'y di ganap na naglalarawan ng kanyang pag - ibig. Bagaman naibigay na ang lahat ng katunayang ito, ay binulag ng kaaway ng kabutihan ang mga pag - iisip ng mga tao, na anupa't kinatakutan nila ang Diyos; ipinalagay na Siya'y mabagsik at hindi nagpapatawad. Hinila ni Satanas ang mga tao sa paniniwala na ang pangunang likas ng Diyos ay kabagsikan, - isang matigas na hukom, marahas at mahigpit na maniningil. Inilarawan niya ang Manglalalang na isang Diyos na laging nanunubok ng mga kamalian at pagkukulang ng mga tao, upang lapatan Niya siya ng mga hatol. Kaya nga, upang maalis ang maitim na sapot na ito, sa pamamagitan ng pagpapakita sa sanlibutan ng hindi matingkalang pag - ibig ng Diyos, ay naparito si Jesus upang tumahan sa gitna ng mga tao.
     Bumaba ang Anak ng Diyos mula sa langit upang ipakilala ang Ama.
     "Walang taong nakakita kailan man sa Diyos; ang bugtong na Anak, na nasa sinapupunan ng Ama, siya ang nagpakilala." Juan 1:18.

     "Sino ma'y hindi nakakilala sa Ama, kundi ang Anak, at yaong ibiging pagpahayagan ng Anak." Mateo 11:27.

     Nang hilingin ng isa sa mga alagad na: "Ipakita mo sa amin ang Ama, ay tumugon si Jesus: Malaon nang panahong ako'y inyong nakakasama, at hindi mo Ako nakikilala, Felipe? Ang nakakita sa Akin ay nakakita sa Ama, bakit sinasabi mo: Ipakita mo sa amin ang Ama?" Juan 14:8-9.

     Ang Pakay ni Jesus Nang ilarawan ni Jesus ang Kanyang pakay sa pagparito sa lupa, ay sinabi Niya: "Ako'y pinahiran Niya upang ipangaral ang mabubuting balita sa mga dukha; Ako'y sinugo Niya upang pagalingin ang wasak na puso, at ipangaral sa mga bihag ang pagkaligtas, at sa mga bulag ang pagkakita, upang bigyan ng kalayaan ang nangaaapi." Lukas 4:18. Talatang Griego. Ito ang kanyang gawain. Siya'y naglibot na gumagawa ng mabuti, at pinagagaling ang lahat ng pinahihirapan ni Satanas. May mga nayong hindi nagkaroon sa isa mang bahay ng daing ng maysakit; sapagka't nagdaan Siya roon at pinagaling niya ang lahat ng may karamdaman. Ang kanyang ginawa ay nagpatunay na siya'y pinahiran ng langis ng Diyos. Ang pag - ibig, habag, at pakikiramay ay nangahayag sa lahat niyang ginawa; ang kanyang puso ay may awang nakikiramay sa mga anak ng mga tao. Ibinihis niya ang katutubo ng tao, upang madama niya ang mga pangangailangan ng sangkatauhan. Ang pinakadukha at pinakamababa ay hindi nangilag na lumapit sa Kanya. Pati ng maliliit na bata ay naganyak na lumapit sa kanya. Ibig nila ang sumampa sa kanyang mga tuhod, at tumitig sa Kanyang mapag - isip na mukha, na nagliliwanag sa pag -ibig.
     Nagsalita si Jesus na may Pag - Ibig. Hindi pinigil ni Jesus kahi't isang salita ng katotohanan, bagkus lagi niyang binibigkas ito sa pag - ibig. Gumamit siya ng pinakamalaking katalinuhan, pagkukuro, at mahabaging pag- aasikaso, sa kanyang pakikisama sa mga tao. Kailan man ay hindi siya nagwalang pakundangan; hindi siya nagsalita ng anumang mabigat na pangungusap; hindi niya sinaktan, nang hindi kailangan ang damdamin ng maramdaming kaluluwa. Hindi niya pinagwikaan ang kahinaan ng tao. Sinalita niya ang katotohanan, nguni't laging nabibilot ng pag - ibig. Hinamak niya ang pagpapaimbabaw kawalan ng pananampalataya, at kasamaan; datapuwa't may luha ang kanyang tinig sa pagbigkas niya ng matatalas na pagsansala. Tinangisan niya ang Jerusalem, ang bayan niyang minamahal, na ayaw tumanggap sa kanya, na siyang daan, Katotohanan at buhay. Kanilang tinanggihan siya ng malumanay na kaawaan. Sa kanyang kabuhayan ay tinatanggihan ang sarili, at inaalaala ang mga iba. Bawa't kaluluwa'y mahalaga sa kanyang paningin. Bagaman lagging sumasakanya ang banal na karangalan, ay yumukod siyang may malumanay na pag - ibig sa bawat kaanib ng sambahayan ng Diyos. Nakita niya na ang lahat ng tao ay mga kaluluwang waglit, at gawain niya ang sila'y iligtas.
     Iyan ang likas ni Kristo alinsunod sa inihayag ng kanyang kabuhayan. Iyan ang likas ng Diyos. Mula sa puso ng Ama ay bumukal ang mga daloy ng banal na pagmamahal, na nahayag kay Kristo, at umagos sa mga anak ng mga tao. Si Jesus, ang mahabaging tagapagligtas, ay Diyos na "nahayag sa laman." 1 Timoteo 3:16.
     Naparito Siya Upang Tayo'y Matubos Upang tayo'y matubos ay nabuhay, nagbata at namatay si Kristo. Siya'y naging isang "Tao sa kapanglawan," upang makabahagi tayo ng walang -  hanggang katuwaan. Pinahintulutan ng Diyos na ang kanyang sinisintang Anak, puspos ng biyaya at katotohanan, buhat sa isang sanlibutang hindi mailarawan ang kaluwalhatian, ay pumarito sa isang sanlibutang dinungisan ng kasalanan, at pinadilim ng kamatayan at ng sumpa. Pinahintulutan niyang iwan ang sinapupunan ng kanyang pag - ibig, ang pagsamba ng mga anghel, upang magbata ng kahihiyan, tuya, paghamak, poot at kamatayan. "Ang parusa ng tungkol sa ating kapayapaan ay nasa kanya; at sa pamamagitan ng kanyang mga latay ay nagsigaling tayo." Isaias 53:5. Masdan ninyo siya sa ilang, sa Getsemane, sa krus! Pinasan ng walang dungis na anak ng Diyos ang bigat ng kasalanan. Siyang nakasama ng Ama ay nakaramdam sa kanyang kaluluwa ng kakila - kilabot na pagkakahiwalay ng Diyos at ng tao, dahil sa gawa ng kasalanan. Ito ang naging dahil kung kaya namutawi sa kanyang mga labi ang kalungkot - lungkot na panambitan: "Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?" Mateo 27:46.  Ang bigat ng kasalanan, ang pagkadama sa nakapangingilabot na kalakihan nito, at ang paghihiwalay na ginawa sa tao at sa Diyos - ito ang nagwindang sa puso ng Anak ng Diyos.

     Iniibig din Tayo ng Ama Datapuwa't hindi ginawa ang dakilang haing ito upang lumikha sa puso ng Ama ng isang pag - ibig sa tao, hindi upang papagnasain siyang magligtas. Hinding - hindi!
     "Gayon na lamang ang pagsinta ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak." Juan 3:16.

     Iniibig tayo ng Ama, hindi dahil sa malaking pampalubag - loob, kundi itinaan niya ang pampalubag - loob dahil sa iniibig niya tayo. Si Kristo ang nagging tagapamagitan upang maibuhos ng Ama ang kanyang di matingkalang pag - ibig sa isang nasawing sanlibutan.
     "Na kay Kristo ang Diyos na pinakipagkasundo ang sanlibutan sa kanya rin." 2 Corinto 5:19.

     Nagbata ang Diyos na kasama ng Kaniyang anak. Sa paghihirap sa Getsemane, sa pagkamatay sa Kalbariyo, ang puso ng walang - hanggang Pag - ibig ay siyang nagbayad ng halaga ng ating katubusan.
     Iniibig ng Ama ang Anak.  Sinabi ni Jesus: "Dahil dito'y sinisinta Ako ng Ama, sapagka't ibinibigay ko ang aking buhay, upang kunin kong muli." Juan 10:17. Sa maliwanag na sabi ay, "Gayon na lamang ang pagsinta sa inyo ng Aking Ama, na anupa't iniibig Ako ng lalong higit dahil sa ibinigay ko ang aking buhay upang kayo'y matubos. Sa aking pagiging Kahalili at pagiging Ako ninyo, sa pamamagitan ng pagbibigay ko ng aking buhay, sa aking pag ako sa inyong mga pagkakautang at sa inyong mga pagsalansang, ay naging mahal ako sa aking ama; sapagka't sa pamamagitan ng aking pag - aalay, ang Diyos ay nagiging matuwid at taga aring - ganap ng mga sumasampalataya kay Jesus."

     Wala kundi ang anak ng Diyos lamang ang makatutubos sa atin; sapagka't siya lamang na nagmula sa sinapupunan ng Ama ang siyang sa Ama'y makapagpapahayag. Siya lamang na nakakaaalam ng taas at lalim ng pag - ibig ng Diyosa ng siyang makapagpapakilala nito. Wala, maliban sa walang hanggang paghahaing ginawa ni Kristo patungkol sa nagkasalang sanlibutan, ang makapagpapahayag ng pag - ibig ng Ama sa nawaglit na mga tao.
     Ipinagkaloob ng Ama ang Kanyang Anak.  "Gayon na lamang ang pagsinta ng Diyos sa sanlibutan, na ibinigay ang Kanyang bugtong na Anak." Siya'y ibinigay ng Ama, hindi lamang upang mabuhay sa gitna ng mga tao, magpasan ng kanilang mga kasalanan, at mamatay na pinaka haing patungkol sa kanila; Siya'y ibinigay sa sangkatauhang nagkasala. Makikiisa si Kristo sa mga pangangailangan at mga kapakanan ng sangkatauhan. Siya na kasama - sama ng Diyos ay nakiugnay sa mga anak ng mga tao, sa pamamagitan ng mga panaling hindi malalagot kailan man. Hindi ikinahiya ni Jesus na "sila'y tawaging mga kapatid" (Heb. 2:11). Siya ang ating Hain, ang ating Pintakasi, ang ating kapatid, na taglay ang ating anyong - tao sa harapan ng luklukan ng Ama, at sa buong panahong walang katapusan ay magiging kaisa ng taong Kanyang tinubos - ang anak ng tao. At lahat ng ito ay upang maiahon ang tao mula sa kasiraan at kaabaang likha ng kasalanan, upang mabakas sa kanya ang pag - ibig ng Diyos, at makabahagi sa ligaya ng kabanalan.
     Ang halagang ibinayad sa pagtubos sa atin, ang hindi matingkalang paghahain ng ating Ama na nasa langit sa pagbibigay ng Kanyang Anak upang mamatay para sa atin, ay nararapat magdulot sa atin ng mararangal na pagkakilala sa maaaring abutin natin sa pamamagitan ni Kristo. Nang Makita ng kinasihang apostol na si Juan, ang taas, lalim, at luwang ng pag - ibig ng Ama sa napapahamak na sangkatauhan, ay sumamba siyang lubos at gumalang; at palibhasa'y hindi siya makakita ng agpang na pangungusap upang ipahayag ang kadakilaan at kagandahan ng pag - ibig na ito, ay tinawagan niya ang sanlibutan upang ito'y masdan. "Masdan ninyo kung gaanong pag - ibig ang ipinagkaloob sa atin ng Ama, upang tayo'y mangatawag na mga anak ng Diyos." 1 Juan 3:1. Kaylaki ng pagpapahalaga nito sa tao!
     Sa pamamagitan ng pagsuway, ang mga anak ng mga tao ay nagging mga alipin ni Satanas. Sa pamamagitan ng pananampalataya sa tumutubos na alay ni Kristo ang mga anak ni Adan ay mangyayaring maging mga anak ng Diyos. Sa pagkakatawang - tao, ay itinaas ni Kristo ang katauhan. Ang nagkasalang mga tao ay napalagay sa lugar na maaari silang maging karapat - dapat sa pangalang "mga anak ng Diyos," sa pamamagitan ng pakikiugnay kay Kristo.
     Mahalagang Pag - ibig. Ang ganitong pag - ibig ay walang kapantay. Mga anak ng Hari ng langit! Mahalagang pangako! Isipang dapat taimtim na bulaybulayin! Walang kahambing na pag - ibig ng Diyos sa isang sanlibutang hindi umibig sa kanya! Ang isipang ito ay may kapangyarihang bumihag sa kaluluwa, at umakay sa pag - iisip upang pasakop sa kalooban ng Diyos. Habang lalo't lalo nating pinag - aaralan ang banal na likas, sa liwanag ng krus, ay lalo't lalo nating makikita ang kahabagan, pag - ibig, at pagpapatawad, na nakakalagum ng pagpapantay - pantay at katuwiran, at higit at higit naman nating naliliwanagan ang di mabilang na mga katunayan ng isang pag - ibig na walang - hanggan, at isang matimyas na pagmamahal na malaki ang kalamangan sa nananabik na pakikiramay ng isang in asa kanyang anak na suwail.
     Malinaw na ipinakita ng ama ang walang hanggang pag - ibig sa iyo at sa akin! (tingnan ang Jeremias 31:3)! Hindi baga natin pahihintulutan ang ating mga puso na tumugon sa kahanga - hangang pag - ibig na ito? Sa pagbibigay ng ating mga puso kay Hesus tayo ay makakatakas mula sa walang hanggang pagwasak (2 Tesalonica 1:8), at sa pamamagtian Niya natin matatamo ang walang hanggang buhay (Juan 4:14, 6:27, 12:50). Kung magkagayon mailalakas natin ang ating mga tinig sa papuri a pagsamba sa walang hanggang Dios (Awit 106:48) at sa walang hanggang Hari (Awit 2:2, 6-7, 29:10; Juan 1:49) na may walang hanggang kagalakan (Isaias 35:10, 51:11) sa ating pagpasok sa walang hanggang mga pintuan (Awit 24:7-10) patungo sa walang hanggang kaharian (Awit 145:13; Daniel 4:3, 7:27: 2 Pedro 1:11) upang lumakad magpakailanman na kasama ng ating Dios at Tagapagligtas sa walang hanggang liwanag ng langit (Apokalipsis 21:23-25; Isaias 60:19-20).