"LET THERE BE LIGHT" Ministries
ANG SUMPA NG KAUTUSAN
"Sapagkat ang lahat na sa mga gawang ayon sa kautusan ay nasa ilalim ng sumpa." Gal. 3:10. Maraming mga tao ang tumitigil na dito at di na nais na ipagpatuloy ang pagbasa. Kung ang mga salitang ito na ang buong kaisipan na nais dalhin ni apostol Pablo, maaaring pahintulutan ang ilan sa paniniwala na yaong mga nagsisikap na sumunod sa sampung kautusan ng Dios ay nasa ilalim ng sumpa. Ngunit malalaktawan nito ang tunay nap unto na sinisikap ipakita ng apostol. Pansinin na patuloy na sinasabi ng talata :" Sapagkat nasusulat, sinusumpa ang bawat hindi nananatili sa lahat ng mga bagay na nasusulat sa aklat ng Kautusan, upang gawin nila."
Ang katotohanan tungkol sa bagay na ito ay, dumarating ang sumpa sa tao, hindi dahil sa sinusunod nila ang kautusan, kundi dahil sa sila'y nagpabayang ito'y sundin. Inihahayag ng mabuting pagsusuri na ang sumpa ay talagang sumpa na dumarating dahil sa pagsuway.
Ang pagsuway sa Kautusan ng Dios ang siya mismong sumpa, at ang daladala nitong sumpa ay kamatayan. Ang kasalanan ay may kamatayan na nababalot dito, sapagkat "sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanlibutan" Roma 5:12. Kung walang kasalanan, hindi magkakaroon ng kamatayan, sapagkat "ang tibo ng kamatayan ay kasalanan" 1 Corinto 15:56. Kung gayon bakit sinasabi ng apostol na "ang lahat na sa mga gawang ayon sa kautusan ay nasa ilalim ng sumpa"? Dahil ba sa ang Kautusan ay isang sumpa? Hindi, sapagkat mismong ang apostol ay kinilala na "ang Kautusan ay banal, at ang utos ay banal, at matuwid, at mabuti" Roma 7:12.
Kung mayroong mali sa Kautusan, malalaman natin ng may pagkakatiwala na hindi sana ito ginanap ni Cristo sa lahat ng kaparaanan.(tingnan ang Juan 15:10). Ngayon, bakit lahat ng gawang ayon sa Kautusan ay nasa ilalim ng sumpa? Sapagkat "ang lahat ay nangagkasala nga at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Dios" Roma 3:23. Ang lahat ay nabigong tuparin ang mga gawa ng Kautusan sa kanilang mga buhay. Dahil dito ang sinuman na nagsisikap sa pamamagitan ng mabubuting mga gawa na alisin ang sumpa sa kanilang sarili dahil sa pagsira o paglabag sa Kautusang yaon ay mananatili pa ring nasa ilalim ng sumpa.
Makikita natin ang ganito ring prinsipyo sa pagpapairal ng mga batas o kautusan ng tao. Ang batas na nagbabawal sa isang tao na mandaya o gumawa ng karahasan laban sa kaniyang kapuwa ay hindi isang sumpa, o isang uri ng pagkagapos o pagkabihag. Sa katunayan, nagkakaisa tayo na ang mga batas o kautusang ito ang siyang nagseseguro ng kalayaan, at mayroong tiyak na kaparusahang ibibigay doon sa mga lalabag dito. Samakatuwid, habang ang mga batas na ito ay nagsasalita ng kalayaan sa mga mamamayang sumusunod sa kautusan, ito'y nagsasalita ng pagkagapos sa taong nahatulang sumalangsang o sumuway dito. Ang prinsipyong ito ay makikita rin sa bahagi ng mga batas na namamahala sa trapiko, at kapag nahatulang lumabag sa bilis ng pagpapatakbo, ang magaling na pagmamaneho ng isang tao sa hinaharap ay hindi mag-aalis sa kanya ng obligasyon na bayaran ang multa.
Sa ganitong kaparaanan, ang Kautusan ng sampung utos ng Dios ay magkapareho. Tinutukoy ito ni Santiago na siyang "sakdal na kautusan ng kalayaan" Santiago 1:25. Ang kautusang ito ay nahahati sa dalawang malaking bahagi: ang unang apat na utos ay nagsasabi ng ating relasyon sa Dios, na ipinakikita kung paano tayo dapat mamuhay na kasang-ayon sa ating Lumikha - ang Pinagmumulan ng ating buhay. Ang ikalawa, o ang huling anim na utos, ay nagsasabi ng ating relasyon o pakikitungo sa ibang mga tao, na ipinakikita kung paano tayo dapat mamuhay na kaisa o kasangayon ng ating kapuwa. At sa sinuman na lalabag sa alinmang bahagi ng Kautusang ito ay malalagay sa ilalim ng sumpa nito.
Nang ilabas ng Dios ang Kaniyang piniling bayan mula sa pagkabihag at pagkaalipin sa Ehipto, Kaniyang inilagay sa harap nila ang dalawang uri ng pangako. Ang isang uri ay nakabatay sa daan ng pagsunod, ang isa ay sa daan ng pagsuway (tingnan ang Deutronomio 11:26-28). Habang kanilang sinusunod ang Dios, sila'y nakakatanggap ng mga pagpapala, ngunit kapag kanilang piniling sumuway, sila'y tumatanggap ng sumpa. Hindi sinalita ng Dios ang mga salitang ito para sa Israel lamang. Kundi ang sampung kautusang ito ay para sa lahat ng sangkatauhan. Hindi lamang ang mga karapatan ng mga anak ng Israel ang sinisikap ng Dios na bantayan o pangalagaan kundi lahat ng mga tao. At hindi lamang ang bayang Israel ang tanging bahagi ng sambayanan na ninanais ng Dios na mamuhay na kasang-ayon sa mga prinsipyo ng kaniyang gobyerno.
Hindi tayo kailanman makakasumpong sa alinman sa mga sulat ni Pablo ng anumang pahiwatig o payo na ang kautusan ay hindi dapat sundin, o ito ay pinawi o binago na. Ang katanungan ay hindi ang Kautusan ba ay masusunod, kundi papano ito masusunod.
Yamang "ang lahat ay nangagkasala nga at hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Dios" (Roma 3:23) na sinira ang Kaniyang kautusan, walang posibilidad na maaaring maalis o mapawi ang utang na kasalanan sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusang ito sa hinaharap - gaano man kabuti o sakdal ang mga ito. Ito ay sa dahilan na walang kakayanan o kaparaanan ang Kautusan na mag-alis ng nakaraang kasalanan. Walang remedyo sa Kautusan upang mapawi o mapatawad nito ang mga nakaraan nating kasalanan at gawin tayong walang sala. Ang kautusan ay humahatol lamang at dinadala ang sumpa ng kamatayan doon sa mga susuway dito.
Kung gayon papaano mapapatawad ang mga nakaraang kasalanan ng sinuman at ng sa ganoon ay mabuhay?
"Sapagkat sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan ay walang laman na aariing-ganap sa paningin niya; sapagkat sa pamamagitan ng kautusan ay ang pagkakilala ng kasalanan. Palibhasa'y inaring-ganap na walang bayad ng Kaniyang biyaya sa pamamagitan ng pagtubos na nasa kay Cristo Jesus na siyang inilagay ng Dios na maging pangpalubagloob, sa pamamagitan ng pananampalataya, sa kaniyang dugo, upang maipakilala ang kaniyang katuwiran para sa kapatawaran ng mga kasalanan na nagawa nang nagdaang panahon sa pagpapahinuhod ng Dios. Sa pagpapakilala ng kaniyang katuwiran: upang siya'y maging ganap at taga aring-ganap sa may pananampalataya kay Cristo. Kaya nga saan naroon ang pagmamapuri? Ito'y inihiwalay na. Sa pamamagitan ng anong kautusan? Ng mga gawa? Hindi: kundi sa pamamagitan ng kautusan ng pananampalataya. Kaya nga maipapasiya natin na ang tao ay inaaring-ganap sa pananampalataya na hiwalay sa mga gawa ng kautusan." Roma 3:20, 24-28.
Samakatuwid, tanging sa pamamagitan ng pananampalataya lamang sa nabuhos na dugo ni Cristo na mapapatawad ang mga kasalanan natin ng nagdaan, na mababayaran ang ating utang na kasalanan, maaalis ang sumpa na kamatayan, at maipahayag na walang-sala at matuwid sa pamamagitan ng biyaya at katuwiran ni Cristo-Jesus!
Ngunit ang kaloob na pagaaring-ganap sa pamamagitan ng pananampalataya ay para lamang sa "kapatawan ng kasalanan na nagawa nang nagdaang panahon" at hindi kabilang ang mga kasalanan na gagawin pa lamang. Kaya kapag tayo ay inaring-ganap sa pamamagitan ng pananampalataya at ginawang matuwid sa pamamagitan ni Cristo, magpapatuloy baga tayo sa pagsalangsang at sa pagsasawalang kabuluhan sa Kautusan ng Dios? Sinabi ni Pablo:
"Ngunit kung, samantalang ating pinagsisikapan na tayo'y ariing-ganap kay Cristo, ay tayo rin naman ay nangasusumpungang mga makasalanan, si Cristo baga ay ministro ng kasalanan? Huwag nawang mangyari. Kung akin ngang muling itayo ang mga bagay na aking sinira, sa aking sarili ay pinatutunayan ko na ako'y suwail." Gal 2:17-18.
Kaya kapag tayo ay inaring-ganap na, at pagkatapos ay ating piliing salansangin ang Kautusan ng Dios at gumawa ng kasalanan, hindi na tayo aariing-ganap sapagkat ginawa nating muli ang ating sarili na mga mananalangsang. Hindi tayo tinubos ni Cristo mula sa pangangailangan ng pagsunod sa sampung utos, kundi, "Sa sumpa ng Kautusan ay tinubos tayo ni Cristo, na naging sumpa sa ganang atin." Galacia 3:13.
Si Cristo ay gumawa ng paraan para sa lahat ng tatanggap sa Kaniya bilang kanilang Tagapagligtas na maalis ang kanilang nakalipas na mga kasalanan, kasama na ang sumpa ng kamatayan upang sila'y maging ganap at banal sa paningin ng Dios! Ngunit ito'y naging posible lamang sapagkat binata ni Cristo ang kasalanan alang-alang sa atin at binata ang parusang kamatayan na para sa atin. O anong pag-ibig ni Jesus ang nahayag dito para sa bawat sangkatauhan! Inalis ni Cristo sa atin ang sumpa ng Kautusan sa pamamagitan ng pagpataw ng sumpa sa Kaniyang sarili upang tayo ay maaring-ganap o maipahayag na matuwid.
Kapag binasa natin ang talata na, "Sinoman ay hindi inaring-ganap sa Kautusan sa harapan ng Dios; ito ay malinaw: sapagkat, ang ganap ay mabubuhay sa pananampalataya" (Galacia 3:11), mahalaga na mayroon tayong malinaw na pagkaunawa sa kahulugan ng salitang "inaring ganap" at "ganap". Ang salitang "inaring ganap" ay nangangahulugan na "gawing ganap o matuwid o walang sala" (tingnan ang Strong Exhaustive Concordance, Greek word #1344). Habang ang "ganap" naman ay nangangahulugan na isang tao na "banal o matuwid" (Strongs, #1342). Kaya ang ganap, o yaong mga banal at matuwid, "ay mabubuhay sa pananampalataya."
Kung ang "lahat ng kalikuan ay kasalanan" (1 Juan 5:17), at lahat ng "kasalanan ay ang pagsalangsang sa Kautusan" (1 Juan 3:4), samakatuwid ang lahat ng kalikuan ay pagsalangsang sa kautusan. Nangangahulugan na ang lahat ng katuwiran o matuwid ay pagsunod sa Kautusang yaon. At dahil dito para masabi na ang isang tao ay matuwid, hindi nila dapat sinasadyang sinusuway o sinasalangsang ang alinman sa alituntunin ng Kautusan ng Dios. Malinaw na ipinahayag ni Pablo: "Sapagkat hindi ang mga tagapakinig ng kautusan ang siyang mga ganap (o mga matuwid) sa harapan ng Dios, kundi ang nangagsisitalima sa kautusan ay aariing ganap (o aariing matuwid)." Roma 2:13.
Kaya nga kapag tayo ay inaring ganap na, tayo ay higit pa sa tagapakinig ng Kautusan ng Dios, kundi tagatupad nito. Ngunit papaano? Papaano tayo mamumuhay?
"Ako'y napako sa krus na kasama ni Cristo; at hindi na ako ang nabubuhay, kundi si Cristo ang nabubuhay sa akin: at ang buhay na ikinabubuhay ko ngayon sa laman ay ikinabubuhay ko sa pananampalataya, ang pananampalataya na ito'y sa Anak ng Dios na sa akin ay umibig, at ibinigay ang Kaniyang sarili dahil sa akin." Galacia 2:20.
Ang paraang ito ng pagpapahintulot kay Cristo na mamuhay sa iyo ay tinatawag bilang "mabuhay sa Dios" (Galacia 2:19) at bilang "patay sa pagkakasala" (Roma 6:2). Ito ay tinutukoy din bilang pagsasakbat "sa Panginoong Jesucristo, at huwag ninyong paglaanan ang laman, upang masunod ang mga kahalayan noon." Roma 13:14. Ito rin ay nangangahulugan na ating pipiliing sundin ang kalooban ng Dios sa lahat ng panahon at sa lahat ng dako. Sa ganito, ating matutularan ang buhay ni Crito, an gating dakilang Huwaran.
"Sapagkat sa ganitong bagay kayo'y tinawag: sapagkat si Cristo man ay nagbata dahil sa inyo, na kayo'y iniwanan ng halimbawa, upang kayo'y mangagsisunod sa mga hakbang niya: na siya'y hindi nagkasala, o kinasumpungan man ng daya sa kaniyang bibig." 1 Pedro 2:21-22, (tingnan din ang Efeso 5:1-8; Colosas 3:5-17).
At yamang nasunod lahat ni Cristo ang Kautusan ng Kaniyang Ama, kung ating pahihintulutan Siya na mamuhay sa atin sa pananampalataya, kung magkagayon atin ding masusunod ang lahat ng Kautusan ng Dios.
Ang pagsunod na ito sa Kautusan ng Dios sa pamamagitan ng pananampalataya na si Cristo ay nabubuhay sa inyo ay tinatawag din bilang napabanal sa pamamagitan ng Espiritu, at ito ang inaasam at hinahangad ng bawat tunay na Kristiyano.
"At kayo, nang nakaraang panahon ay nangahihiwalay at mga kaaway sa inyong pag-iisip sa inyong mga gawang masasama, gayon ma'y pinakipagkasundo niya (Cristo) ngayon sa katawan ng Kaniyang laman, sa pamamagitan ng kamatayan, upang kayo'y iharap na mga banal at walang dungis at walang kapintasan sa harapan niya: Kung tunay na kayo'y mamamalagi sa pananampalataya, na nababaon at matitibay at di makilos sa pag-asa sa evangelio.Maging ang hiwaga na inilihim sa kahat ng panahon at lahi, datapuwat ngayo'y ipinahayag sa kaniyang mga banal: na sa kanila'y minagaling ng Dios na ipakilala kung ano ang mga kayamanan ng kaluwalhatian ng hiwagang ito sa gitna ng mga Hentil,na ito'y si Cristo na nasa inyo, na pag-asa ninyo sa kaluwalhatian: Na siya naming inihahayag, na pinaalalahanan ang bawat tao at tinuturuan ang bawat tao, sa buong karunungan, upang maiharap naming sakdal kay Cristo ang bawat tao: na dahil dito'y nagpapagal din naman ako, na nagpipilit ayon sa kaniyang paggawa, na siyang sa akin ay gumagawa na may kapangyarihan." Colosas 1:21-23, 26-29.
Ang pagsunod na ito sa buong sampung utos ng Dios ay hindi magagawa sa ating sariling lakas. Ang kautusang ito ay maaari lamang masunod sa pamamagitan Niya na tanging mabuti - at yaon ay ang Dios. Kung mayroon mang anumang kabutihan sa atin, ito ay sa dahilan na tayo ay mayroong Dios na siyang gumagawa sa atin. At kung ang Dios ay gumagawa sa atin, kung gayon ang bawat isa sa Kautusan ay masusunod ng lubos!
"Sapagkat Dios ang gumagawa sa inyo maging sa pagnanasa at sa paggawa, ayon sa Kaniyang mabuting kalooban." Filipos 2:13.
Ngayon ang Dios ng kapayapaan na muling nagdala mula sa mga patay sa dakilang pastor ng mga tupa sa pamamagitan ng dugo ng walang hanggang tipan, samakatuwid baga'y ang Panginoon nating si Jesus, ay pakasakdalin nawa niya kayo sa bawat mabuting gawa upang gawin ang kaniyang kalooban, na gawin sa atin ang nakalulugod sa paningin niya, sa pamamagitan ni Jesucristo; na mapasa kaniya nawa ang kaluwalhatian magpakailanman. Siya nawa." Hebreo 13:20-21.
Kung ating pahihintulutang gumawa ang Dios sa atin sa pamamagitan ni Jesus, walang kasalanan na hindi natin mapananagumpayan! "Lahat ng mga bagay ay aking magagawa sa pamamagitan ni Cristo na siyang nagpapalakas sa akin." Filipos 4:13.
Kapag binalot tayo ng nabuhos na dugo ni Cristo, ang ating mga kasalanan ay patatawarin, at ang katuwiran ni Cristo sa pamamagitan ng pananampalataya ay ibibilang sa atin, na gagawin tayong ganap o matuwid sa harapan ng Dios. Pagkatapos, habang pinipili nating pahintulutan si Cristo na mabuhay at gumawa sa atin, ang Kaniyang katuwiran sa pamamagitan ng pananampalataya ay ibabahagi sa atin at magagawa na natin ang mga gawa Niya "na tumatawag sa inyo mula sa kadiliman, hanggang sa kaniyang kagilagilalas na kaliwanagan" (1 Pedro 2:9). Kaya ang katuwiran ni Cristo ay ibibilang sa atin sapagkat ating sinira ang Kautusan ng Dios, at ito'y ibabahagi sa atin upang atin na ngayong masunod ito. Dahil dito si Jesus ay "ang Panginoon ang ating katuwiran" (Jeremias 23:6) sapagkat "binihisan niya ako ng mga damit ng kaligtasan; kaniyang tinakpan ako ng balabal ng katuwiran" (Isaias 61:10).
Ito ay sa pamamagitan ng pananampalataya sa Dios na gumagawa sa atin, at ang ating oras-oras na pagpili na gumawang may pakikiayon sa kaniyang kalooban, o pagsamahin ang pananampalataya at mga gawa, na tayo'y magiging tagaganap ng Kaniyang kautusan at manatiling matuwid. Ang Kautusan ay napakabanal na kung saan ang pamantayang ipinakikita nito sa atin ay mataas kaysa maaaring matamo ng sinoman sa kaniyang sariling lakas. Ang sakdal na pagsunod ay magagawa o matatamo lamang sa pamamagitan ng banal na kapangyarihan ng Dios. Ngunit ang banal na kapangyarihan, kung wala ang ating pagpili na gumawa na kasang ayon nito, ay walang magagawa.
"Gayon din naman ang pananampalataya na walang mga gawa, ay patay sa kaniyang sarili. Nakikita mo na ang pananampalataya ay gumagawang kalakip ng kaniyang (Abraham) mga gawa, at sa pamamagitan ng mga gawa ay naging sakdal ang pananampalataya. Sapagkat kung paanong ang katawan na walang espiritu ay patay, ay gayon din ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay." Santiago 2:17, 22, 26.
Hindi magagapi ng Dios ang kasalanan para sa atin kung wala ang ating tulong. Maaari nating maipamalas ang lahat ng uri ng pananampalataya sa sanlibutan, ngunit ang pananampalataya lamang ay hindi makagagawa sa atin na masunod ang lahat ng kautusan ng Dios. Kinakailangan tayong kumilos o gumawa na kasang-ayon o kaisa ng ating pananampalataya. Ang ating pananampalataya ay dapat maging masigla at buhay, na hindi manatiling walang ginagawa at patay. Kaya habang tinatanggap natin ang Panginoong Jesus sa pamamagitan ng pananampalataya, Kaniyang ihahayag sa ating buhay ang Kaniyang sakdal na Kautusan.
"Ngunit bago dumating ang pananampalataya, ay nabibilanggo tayo sa ilalim ng Kautusan, na nakukulong tayo hanggang sa ang pananampalataya ay ipahayag pagkatapos. Anopa't ang kautusan ay siyang naging tagapagturo natin upang ihatid tayo kay Cristo, upang tayo'y ariing ganap sa pamamagitan ng pananampalataya. Datapuwat ngayong dumating na ang pananampalataya, ay wala na tayo sa ilalim ng tagapagturo." Galacia 3:23-25.
Sa ibang mga salita tayo ay nasa ilalim ng sumpa ng kautusan dahil hindi natin tinupad ito at ating sinalangsang. Hindi tayo mapapatawad ng Kautusan, ngunit bilang tagapagturo ipinakikita sa atin ng malinaw na si Cristo ang tanging daan upang mapalaya tayo mula sa pagiging nasa ilalim ng sumpa nito sa pamamagitan ng pagiging malinis at inaring ganap sa pananampalataya sa kaniyang nabuhos na dugo.Kaya, pagkatapos na ang pananampalataya ay dumating hindi na natin kailangan ang tagapagturong ito upang ituro tayo kay Cristo para sa paglilinis - sapagkat tayo ay inaring-ganap na mula sa kasalanan.
Inaakala ng ilan na ang talatang ito ay nagtuturo na mayroong tiyak na panahon sa pagdating ng pananampalataya na kinakailangan ng tao na sundin ang Kautusan hanggang sa takdang panahong ito. Karaniwan ng pinaniniwalaan na kapag dumating ang pananampalataya, mula noon sila ay Malaya na mula sa Kautusan. Ang pagdating na ito ng pananampalataya ay pangkaraniwan ng ipinalalagay na kasingkahulugan ng pagpapakita ni Cristo sa lupa. Ngunit kailan dumarating ang pananampalataya?
"Kaya nga ang paniniwala'y (pananampalataya) nanggagalin sa pakikinig, at ang pakikinig ay sa pamamagitan ng salita ni Cristo." Roma 10:17.
Kapag tinanggap natin ang Salita ng Dios - ang salita ng pangako sa ating mga puso, ihahatid nito ang kapuspusan o kabanalan ng Kautusan ng Dios, at kapag tayo ay hindi na nakikipaglaban sa Kautusang ito, kundi nagpasakop na dito, kung gayon isang buhay na pananampalataya ay darating sa atin at tayo ay tunay ngang magiging malaya.
Si Cristo ay hindi dumating upang iligtas tayo sa ating mga ginagawang kasalanan kundi mula sa ating mga kasalanan ng nagdaan (tingnan ang Mateo 1:21). Ang kaligtasang Kaniyang dinadala sa atin ay hindi lamang paglaya mula sa parusa ng kasalanan, kundi tagumpay laban sa kasalanan mismo. "Sa sumpa ng Kautusan ay tinubos tayo ni Cristo (Galacia 3:13), mula sa kasalanan at kamatayan. Ito ay Kaniyang ginawa na "naging sumpa sa ganang atin," at dahil dito tayo ay naging malaya mula sa paggawa ng kasalanan hindi mula sa pangangailangan ng pagsunod sa Kautusan ng Dios. Hindi na naghahari ang kasalanan sa inyo kung inyo lamang tatanggapin si Cristo sa katotohanan bilang inyong Tagapagligtas, na pahihintulutan Siya na mamuhay sa loob at pamamagitan ninyo, at pagkatapos ay patuloy na piliing paglingkuran at sundin Siya (sa halip na sarili) sa bawat sandali araw-araw sa halip na sarili.
"At sinabi niya sa lahat, kung ang sinomang tao ay ibig sumunod sa akin, ay tumanggi sa kaniyang sarili, at pasanin sa araw araw ang kaniyang krus, at sumunod sa akin....Sapagkat ang sinomang magmakahiya sa akin at sa aking mga salita, ay ikahihiya siya ng Anak ng tao, pagparito niyang nasa kaluwalhatian ng Ama, at ng mga banal na anghel....(sapagkat) Siya (si Cristo) ang gumawa ng walang hanggang kaligtasan ng lahat na mga nagsisitalima sa kaniya." Lukas 9:23, 26; Hebreo 5:9.
|
||