"LET THERE BE LIGHT" Ministries
DAPAT BANG KATAKUTAN ANG KAMATAYAN?
Napakaraming naglalaban laban na mga paniniwala tungkol sa kamatayan at kung anong mayroon sa kabila ng hukay, na naging napakahirap malaman kung aling paniniwala ang totoo. Ngunit hindi iniwan ng Dios ang Kaniyang mga anak na magtaka tungkol sa mahalagang paksang ito na hindi sila pinagkakalooban ng malinaw na pagkaunawa sa katotohanan ng paksang ito.
"Ang lahat ng mga Kasulatan na kinasihan ng Dios ay mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran : Upang ang tao ng Dios ay maging sakdal, na tinuruang lubos sa lahat ng mga gawang mabuti." 2 Timoteo 3:16-17.
Kung ang Kasulatan ay kinasihan ng Dios, kung magkagayon sa mga banal na mga pahina nito natin ligtas na masusumpungan ang tiyak na pundasyon para sa doktrina, at para sa pagsansala at pagsuway ng ating mga kamalian, at ng sa gayon ay matamo ang dalisay na karunungan ng katuwiran. Kaya nga, ano ba ang ipinahahayag ng Dios sa pamamagitan ng Kaniyang salita tungkol sa kamatayan?
Una sa lahat, ano ba ang kamatayan? Paulit-ulit na binabanggit ng Biblia na ang kamatayan ay katulad ng pagtulog. Sa panahon ng Lumang Tipan, pagka namatay ang isang tao sinasabi na siya ay "natutulog kasama ng kaniyang mga magulang" (tingnan ang 1 Hari 2:10, 11:43, 14:20, 31, 15:8, 24). Sa panahon ng Bagong Tipan, ang kamatayan ay inihalintulad rin sa pagtulog (tingnan ang 1 Corinto 11:30, 15:20; 1 Tesalonica 4:14). Maliwanag na binabanggit ni Jesus ang ganito ring idea nang Kaniyang tukuyin ang tungkol sa kamatayan ng Kaniyang kaibigang si Lazaro.
"Si Lazaro na ating kaibigan ay natutulog; ngunit Ako'y paroroon, upang gisingin ko siya sa pagkakatulog. Sinabi nga ng mga alagad sa kaniya, Panginoon, kung siya'y natutulog, ay siya'y gagaling. Sinalita nga ni Jesus ang tungkol sa kaniyang pagkamatay: datapuwat sinapantaha nila na ang sinalita ay ang karaniwang pagtulog. Nang magkagayon nga ay sinabi sa kanila ni Jesus ng malinaw, si Lazaro ay patay." Juan 11:11-14.
Kaya nga ang pagiging patay ay inihalintulad sa pagiging tulog (tingnan din ang Mat. 27:52; 1 Cor 15:51; Dan 12:2). Ngunit kapag tayo'y namatay o natulog, ano ang nangyayari?
"Ang hininga niya ay pumapanaw, siya'y nanunumbalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw ding yaon ay mawawala ang kaniyang pag-iisip." Awit 146:4.
Sinabi ng Dios na pagka tayo ay namatay, wala na tayo kailanman ng anomang pagiisip o pagtakbo ng kaisipan. Dahil ditto walang kamalayan sa libingan. Kaya nga ipakikita ba sa atin ng Dios ang alinman sa Kaniyang mga himala o kababalaghan, maging ito man ay nagdaan, kasalukuyan o sa hinaharap, sa libingan? Hindi.
"Magpapakita ka ban g mga kababalaghan sa mga patay? Sila bang mga patay ay magsisibangon, at magsisipuri sa iyo?...Ang iyo bang kagandahang loob ay ipahahayag sa libingan? O ang iyong pagtatapat sa kagibaan? Malalaman ba ang mga kababalaghan mo sa dilim? At ang katuwiran mo sa lupain ng pagkalimot?" Awit 88:10-12.
Maaari ba nating purihin ang Panginoon sa libingan? Hindi.
"Ang mga patay ay hindi pumupuri sa Panginoon, ni sinomang nabababa sa katahimikan." Awit 115:17.
Maaalaala ba natin ang Panginoon sa libingan? Hindi.
"Sapagkat sa kamatayan ay walang alaala sa iyo; sa Sheol (libingan) ay sinong mangagpapasalamat sa iyo?" Awit 6:5.
Maaari ba nating Makita ang sinomang tao kung tayo ay patay na? Hindi.
"Aking sinabi, sa katanghalian ng aking mga kaarawan ay papasok ako sa mga pintuan ng Sheol (libingan)..Hindi ko na makikita pa ang tao, na kasama ng mga nananahan sa sanlibutan." Isaias 38:10-11.
Ngunit hindi baga natin makikita ang ating mga mahal sa buhay at mga kaibigan na pumaparoon sa ating libingan upang handugan handugan tayo ng paggalang? Hindi.
"Ngunit ang tao ay namamatay at natutunaw; oo, ang tao ay nalalagutan ng hininga. Ang kaniyang mga anak ay dumarating upang parangalan siya, at hindi niya nalalaman." Job 14:10, 21.
Kaya nga yaong mga namatay na ay tunay na wala nang nalalamang anuman!
"Sapagkat nalalaman ng mga buhay na sila'y mangamamatay: ngunit hindi nalalaman ng mga patay ang anomang bagay, ni mayroon paman silang kagantihan; sapagkat ang alaala sa kanila ay nakalimutan." Eclesiastes 9:5.
Tunay, ang pagiging patay ay katulad ng pagiging tulog - na kung paano sinalita ni Jesus. Ngunit marami ang tinuruan na pagkamatay ang ilan ay tumutuloy na sa langit. Ngunit itinuturo ba ng Dios na paparoon tayo sa langit at makikita ang Panginoon pagkamatay natin?
"...Ako'y papasok sa mga pintuan ng Sheol (libingan)...hindi ko makikita ang Panginoon, ang Panginoon sa lupain ng buhay." Isaias 38:10-11.
Ang ilan ay tinuruan na ang kanilang namatay na mga kamag-anak ay nasa langit na nagbabantay sa kanila at gumagawa para sa kanilang kabutihan sa ibat ibang paraan. Ngunit ito ang itinuturo ng Biblia? Hindi.
"Anomang masumpungang gawin ng iyong kamay, gawin mo ng iyong kapangyarihan; sapagkat walang gawa, ni katha man, ni kaalaman man, ni karunungan man, sa Sheol (libingan), na iyong pinaparunan." Eclesiastes 9:10.
Papaano naman yaong mga naniniwala na talaga daw nakita o nakipagusap pa sa kanilang mga mahal sa buhay na namatay na sa wari'y binuhay sa mga patay?
"Gayon ang tao ay nabubuwal at hindi na bumabangon; hanggang sa ang mga langit ay mawala, sila'y hindi magsisibangon, ni mangagigising man sa kanilang pagkakatulog." Job 14:12.
Kung gayon papaano yaong mga naniniwala, o mga nakakita sa multo o sa espiritu ng patay na dumadalaw sa mga bahay o sementeryo o tumutulong pa sa mga tao?
"...hindi nalalaman ng patay ang anomang bagay, ni mayroon pa man silang kagantihan; sapagkat ang alaala sa kanila ay nakalimutan. Maging ang kanilang pag-ibig, gaya ng kanilang pagtatanim (pagkamuhi) at ng kanilang pananaghili ay nawala ngayon; na wala man silang anomang bahagi pa na magpakailanman sa anomang bagay na nagawa sa ilalim ng araw." Eclesiastes 9:5-6.
Samakatuwid, ang mga patay ay wala ng alaala ng anomang bagay noong sila'y nabubuhay pa. Kaya hindi na nila maaalala ang sinoman o anomang bagay na kanilang inibig o kinamuhian, itinangi o kinainggitan noong sila'y nabubuhay pa. Kaya nga kahit na sila ay magsibalik bilang isang multo o isang espiritu, hindi na nila maalaala kung sino ang kanilang dadalawin o tutulungan!
Ngunit maraming mga tao ang talagang nakakita ng multo o mga espiritu at iba't ibang aprisyon. Ang iba'y nakarinig ng hindi maipaliwanag na mga ingay at nakakita ng pambihirang himala o kababalaghan. Ngunit yamang itinuturo ng katotohanan ng Biblia na ang multo o kaluluwa ay hindi ang talagang espiritu ng taong namatay na binuhay, kung gayon sino ang mga multong ito?
"At nagkaroon ng pagbabaka sa langit: si Miguel at ang kaniyang mga anghel ay nakipagbaka sa dragon: at ang dragon at ang kaniyang mga anghel ay nakipagbaka; at hindi sila nanalo, ni nasumpungan pa man ang kanilang dako sa langit. At inihagis ang malaking dragon, ang matandang ahas, ang tinatawag na Diablo at Satanas, ang dumadaya sa buong sanlibutan; siya'y inihagis sa lupa, at ang kaniyang mga anghel ay inihagis na kasama niya. Sapagkat sila'y mga espiritu ng mga demonio, na nagsisigawa ng mga tanda, na pinaparoonan nila ang mga hari sa buong sanglibutan."Apokalipsis 12:7-9, 16:14.
Kaya mayroon talagang mga multo o espiritu ngayon ngunit isa man sa mga ito ay hindi ang mga taong namatay na bumangon mula sa libingan. Ang mga ito ay ang mga masasamang anghel lamang o espiritu ng demonyo na pinalayas sa langit. Ang mga masasamang anghel na ito ay nagpapanggap lamang na sila ang mga namatay na muling binuhay. At hindi mahalaga kung sino ang kanilang gayahin - maging ang patay nang si apostol Pablo o iba pang mga alagad ni Kristo. Sa katunayan, kung higit na kilala ang isang patay na tao, higit na maganda para sa mga masasamang anghel na magpanggap na katulad nila.
Ngunit bakit ginagaya o nagpapanggap ang mga masasamang anghel bilang taong namatay at minsan pa ay nagbibigay ng impormasyon doon sa kanilang mga nakakausap? Ang kanilang buong layunin sa paggawa nito ay upang dayain ang mga tao at sikaping papaniwalain sila na ang ibinigay na impormasyon sa kanila ay siyang katotohanan. Ngunit nagsasabi ba ang Diablo, kasama ng kaniyang masasamang anghel, ng katotohanan?
"Siya'y...hindi nananatili sa katotohanan, sapagkat walang katotohanan sa kaniya. Pagka nagsasalita siya ng kasinungalingan, ay nagsasalita siya ng sa ganang kaniya: sapagkat siya'y isang sinungaling at ama nito." Juan 8:44.
Kaya nga hindi natin dapat paniwalaan ang anumang impormasyong hated ng mga aparisyon o espiritu ng mga patay sapagkat ito'y puro kasinungalingan. Ang pinakamalaking kasinungalingan na sinikap ituro ng Diablo at ng kaniyang masasamang espiritu na bilang totoo ay ang paniniwala na kapag tayo ay namatay ang ating mga kaluluwa ay patuloy na mabubuhay. Ang kabulaanang ito ay kilala din bilang ang kawalang kamatayan ng kaluluwa o "immortality of the soul", at marami ang nadaya sa paniniwala na ito ay totoo. Ngunit ang tao ba ay walang kamatayan?
Itinuturo ng Biblia na ang lahat ng tao ay "may kamatayan" hindi "walang kamatayan" (tingnan ang Job 4:17; Roma 6:12). Sa katunayan, ang Dios lamang ang "tanging walang kamatayan". 1 Timoteo 6:16.
Kaya nga ipinapahayag ng Banal na Kasulatan na pagkamatay, hindi tayo nagpapatuloy na mabuhay sa walanghanggan. Hindi tayo pumaparoon sa langit o sa impiyerno pagkamatay, kundi nananatili lamang sa libingan. Ni hindi tayo muling mabubuhay sa ibang nilalang kagaya ng paganong paniniwala sa walang katapusang pag-ikot ng buhay - ang paulit ulit na muling pagsilang upang mamatay na muli. Sapagkat may kahabagang ipinahayag ng Dios na ang tao ay minsan lang mamamatay - hindi maraming ulit.
"...itinakda sa tao ang mamatay na minsan, at pagkatapos nito ay ang paghuhukom." Hebreo 9:27.
Ngunit ang malaking katanungang dapat itanong ay: Ano ang dahilan bakit namamatay ang tao?
"At iniutos ng Panginoong Dios sa lalake, na sinasabi, Sa lahat ng punong kahoy sa halamanan ay makakakain ka na may kalayaan: Datapuwat sa kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain; sapagkat sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang mamamatay ka. At nang makita ng babae na ang bunga ng punong kahoy ay mabuting kanin, at nakalulugod sa mga mata, at kahoy na nananasa upang magpapantas sa tao, ay pumitas siya ng bunga niyaon at kinain; at binigyan din niya ang kaniyang asawang kasama niya, at ito'y kumain. At tinawag ng Panginoong Dios ang lalake at sa kaniya'y sinabi.sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay, hanggang sa ikaw ay mauwi sa lupa; sapagkat diyan ka kinuha: sapagkat ikaw ay alabok at sa alabok ka uuwi." Genesis 2:16-17, 3:6, 9, 19.
Kaya't nag-umpisa ang kamatayan nang suwayin at sirain ang utos ng Dios. Ngunit ano talaga ang mangyayari kapag ating sinuway o sinalangsang ang kautusan ng Dios?
"Ang sinomang gumagawa ng kasalanan ay sumasalangsang din naman sa kautusan: at ang kasalanan ay ang pagsalangsang sa kautusan." 1 Juan 3:4.
Samakatuwid, sa paglabag sa kautusan, tayo ay nagkakasala, at ano ang mangyayari dahil sa ating pagpili na magkasala?
"Sapagkat ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan." Roma 6:23.
Sino ang nagsimula ng lahat ng kasalanan at kamatayan?
"Ikaw ay sakdal sa iyong mga lakad mula sa araw na ikaw ay lalangin, hanggang sa ang kalikuan ay nasumpungan sa iyo." "Siya'y (ang Diablo) isang mamamatay tao buhat pa nang una." Ezekiel 28:15; Juan 8:44.
Kaya nga hindi mo maisisisi sa Dios kung bakit may kasalanan o kamatayan sapagkat ang Diablo o si Satanas o si Lucifer ang nagpasimula at lumikha ng lahat ng kasalanan at kamatayan at sa gayon ang natatanging responsible sa lahat ng takot, kalungkutan at paghihirap na idinulot nito. At yamang ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan kasama ng parusa ng kamatayan, patuloy na sinisikap ng tao na hanapin ang daan upang takasan ang kamatayan at patuloy na mabuhay, at tunay na nagtagumpay ang Diablo na papaniwalain tayo ng kaniyang mga kasinungalingan.
Ang karamihan ay naniniwala sa kuru-kuro na ang kasalanan magdudulot lamang ng parusang kamatayan sa ating katawang laman, ngunit ang ating kaluluwa ay magpapatuloy na mabuhay magpakailanman. Ngunit ito ba itinuturo ng Biblia? Hindi.
"Ang kaluluwa na nagkakasala, mamamatay." Ezekiel 18:20.
Ang kaluluwa na nagkakasala ay hindi mabubuhay magpakailanman, kundi ito'y namamatay! At kung paanong "ang lahat ay nangagkasala nga at hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Dios" (Roma 3:23), kung gayon ang kaluluwa ng patay na tao ay hindi na kailanman magpapatuloy na mabuhay pagkatapos na mamatay! Ang paniniwalang ito, na tayo ay binubuo ng isang katawan at isang hiwalay na kaluluwa, ay isa pang kasinungalingang buhat sa Diablo at sa kaniyang masasamang espiritu. Sinasabi sa atin ng Dios ang katotohanan kung paano Niya tayo nilalang.
"At nilalang ng Panginoong Dios ang tao sa alabok ng lupa, at hiningahan ang kaniyang mga butas ng ilong ng hininga ng buhay; at ang tao ay nagging kaluluwang may buhay." Genesis 2:7.
Malinaw na sinalita ng Dios na isang katawan, dagdagan ng hininga ng buhay, ay isang kaluluwang may buhay. (tingnan din ang Job 33:4; Ezekiel 37:6). Samakatuwid ang katawan, kung walang hininga ay hindi magiging isang kaluluwang may buhay - kundi isang patay! Kaya walang katotohanan sa dokrina na ang ating kaluluwa ay magpapatuloy na mabuhay pagkatapos na tayo ay mamatay. Ni mayroon pa mang espiritu ang tao na magpapatuloy na mabuhay pagkatapos na mamatay.
Ang ating hininga, na nagmula sa Dios at nagbigay sa atin ng buhay, ay maaari ring naisalin sa kasulatan bilang "espiritu" (tingnan din ang Job 27:3). Kaya nga ang katawan, dagdagan ng hininga o espiritu ng buhay, ay kaluluwang may buhay. Ngunit ang katawan, kung walang espiritu, ay hindi magiging isang kaluluwang may buhay. Kaya nga walang katotohanan sa paniniwala na pagkamatay, ang ating espiritu ay magpapatuloy na mabuhay. Pagka tayo'y namatay, ang ating hininga o espiritu ng buhay ay bumabalik sa Dios na nagbigay nito sa atin pagkapanganak (tingnan ang Eclesiastes 12:7; Awit 31:5), ngunit walang hiwalay na buhay o pagkamalay sa hiningang ito - wala nang iba pa kapag tayo'y humihinga.
Kapalaran ba ng tao ang harapin ang kamatayan na walang anomang pag-asa na makatakas mula sa walang hanggang pagkakahawak nito? Mayroon bang nagligtas sa atin mula sa abang kalalagyang ito?
"Kundi nakikita natin si Jesus, na ginawang mababa ng kaunti kaysa mga anghel kapalit ng pagbabata ng kamatayan, na pinutungan ng kaluwalhatian at karangalan; upang sa pamamagitan ng biyaya ng Dios ay lasapin niya ang kamatayan alang- alang sa bawat tao. Dahil sa ang mga anak ay mga may bahagi sa laman at dugo, siya nama'y gayon ding nakabahagi sa mga ito; upang sa pamamagitan ng kamatayan ay kaniyang malipol yaong may paghahari sa kamatayan, samakatuwid ay ang Diablo: at mailigtas silang lahat na dahil sa takot sa kamatayan ay nangasailalim ng pagkaalipin sa buong buhay nila." Hebreo 2:9, 14-15.
Maykahabagang naglaan si Jesus ng kaparaanan upang ang buong sangkatauhan ay mailigtas mula sa abang kahihinatnan na walang hanggang kamatayan upang muling magtamo ng buhay!
"Sapagkat gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanlibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa Kaniya'y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan." Juan 3:16.
"Sapagkat kung paanong kay Adam ang lahat ay nangamamatay, gayon din naman kay Cristo ang lahat ay mangabubuhay." "At ito ang patotoo, na tayo'y binigyan ng Dios ng buhay na walang hanggan, at ang buhay na ito ay nasa kaniyang Anak. Ang kinaroroonan ng Anak ay kinaroroonan ng buhay; ang hindi kinaroroonan ng Anak ng Dios ay hindi kinaroroonan ng buhay." 1 Corinto 15:22; 1 Juan 5:11-12.
Ang buong sangkatauhan ay maaari na ngayong magkaroon ng pag-asa na tunay na may buhay pagkatapos ng kamatayan - ngunit tanging kay Cristo Jesus lamang. Walang sinomang tao; siya man ay presidente o papa, mangangaral o guro, shaman o pari, ang makapaghahandog kaninoman ng buhay na walang hanggan. Ang buhay pagkatapos mamatay ay masusumpungan lamang kay Cristo Jesus sapagkat tanging si Jesus ang pinagkalooban ng "kapamahalaan sa lahat ng laman, upang bigyan niya ng buhay na walang hanggan ang marami" bilang kaniya (tingnan ang Juan 17:2). At si Cristo Jesus ay para sa buong sangkatauhan - maging doon sa mga taong tinitingnan na nasa pinakababang antas ng kalagayan ng tao o nasa pinakamalalim na lusak ng kasalanan.
"Sapagkat tayo'y walang isang dakilang saserdote na hindi maaaring mahabag sa ating kahinaan, kundi isa na tinukso sa lahat ng mga paraan gaya rin naman natin, gayon may walang kasalanan. Magsilapit nga tayong may pagkakatiwala sa luklukan ng biyaya, upang tayo'y magsipagtamo ng awa, at mangakasumpong ng biyaya upang tumulong sa atin sa panahon ng pangangailangan." Hebreo 4:15-16.
"Tapat ang pasabi, at nararapat tanggapin ng lahat, na si Cristo Jesus ay naparito sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan; na ako ang pangulo sa mga ito." 1 Timoteo 1:15.
Kaya nga ang buong sanlibutan ay mapapanatag na ngayon sa pag-asa na talagang mayroong buhay pagkatapos ng kamatayan - ngunit na kay Cristo Jesus lamang. Hindi na dapat matakot ang sinoman sa kamatayan - maliban na hindi mo tinanggap si Jesus bilang iyong Tagapagligtas at hindi nakaugnay sa Kaniya.
Huwag mong pahintulutan na lumipas ang sandali na hindi ka lumuluhod, pagsisihan ang iyong mga kasalanan, at hingin kay Jesus na patawarin ka at pagkatapos ay magsumamo ka sa Kaniya na Siya ang mamahala sa iyong buhay. "Ngayon ang araw ng kaligtasan" (2 Corinto 6:2) - hindi bukas, sapagkat maaaring bukas ay maging huli na.
|
||