"LET THERE BE LIGHT" Ministries
home  |  Tagalog  Tracts

ANG PAGBANGON AT PAGBAGSAK ng MGA IMPERYO O KAHARIAN NG SANLIBUTAN

     Sa mga tala ng kasaysayan ng sanglibutan, ang pagbuo ng mga pangyayari at ang pagbangon at pagbagsak ng mga imperyo o kaharian, ay nagpapakita na ito'y determinado sa kalooban, kapangyarihan, ambisyon at kagitingan ng tao. Ngunit sa Salita ng Dios, kung hahawiin ang tabing, at ating titingnan mula sa umpisa ang laro at laban ng mga kaganapan ng sangkatauhan, ang mga ahensya ng Isa na mahabagin sa lahat, ay may pagtitiis na gumagawa sa mga pasiya ng Kaniyang sariling kalooban.
     Walang ibang bahagi sa Kasulatan na nahayag ng malinaw ang prinsipyong ito kundi sa ikalawang kapitulo ng Daniel. Dito ay ipinakita ang buong lawak ng kasaysayan mula sa panahon ni Daniel hanggang sa ating kasalukuyang panahon.

     Sa panahon na kung saan ang pangyayaring ito ay nagaganap, si haring Nabucodonosor at ang kaniyang kaharian ng Babilonia ang naghahari sa dating tanyag na sanlibutan.
     Isang gabi ang hari ay nag-iisip sa kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Habang kaniyang tinitingnan ang dakilang syudad na kaniyang pinamumunuan, ito'y napakita na para bagang ito'y hindi na magagapi; at sa panahong yaon walang anumang makinaryang pandigma ang makakayang makabutas o makasira sa mga pader nito. Sa paligid ng pader ay isang kanal na puno ng tubig na nabuo ng ilog ng Euprates. Ang ilog ay dumadaan sa gitna ng syudad; ngunit sa dakong pagpasok ng syudad, ay mayroong malalaking pintuan na umaabot hanggang sa ibaba ng tubig. Sa likod ng mga pintuang yaon ay mga pader na pumapaligid sa ilog, na may mga pintuang daan na nagbibigay ng daan patungo sa syudad mula sa ilog. Ang mga pintuang-daang ito ay pinatibay ng malalaking pintuang tanso, kaya kahit na makadaan at makalampas ang sinoman sa mga pintuan sa pader, wala pa ring daan papunta sa syudad maliban na bukas ang mga pintuang tanso.


ANG MAKAPUKAW-DAMDAMING PANAGINIP

     Habang binubulaybulay ang mga bagay na ito at namamangha kung ang kaniyang kaharian ay mananatili magpakailanman, si Nabucodonosor ay nakatulog. Nang gabing iyon siya ay nagkaroon ng makapukaw damdaming panaginip, ngunit nang siya ay nagising hindi niya maalala ang anumang detalye. Gayon pa man, nadama niya na sa paano't paanuman ang panaginip na ito ang sasagot sa kaniyang katanungan tungkol sa hinaharap.
     Kaagad-agad ipinatawag ni Nabucodonosor ang lahat ng matatalinong tao sa kaniyang kaharian upang tulungan siya na kaniyang maalaala ang kaniyang panaginip - gaano man kalaki ang kakailanganin nilang gagamitin na mga kasanayan sa espiritismo, astrolohiya, panghuhula o mahiko. Nagtipon ang matatalinong tao, ngunit hindi magawang ipahayag, sa pamamagitan ng lahat ng mga kasanayang ito, ang panaginip sa hari. Sa pagkatanto na mandaraya ang mga matatalinong taong ito at hindi siya matulungan, ang hari ay nagalit ng mainam at iniutos ang pagdakip sa kanila at pagkulong upang hintayin ang pagpatay sa kanila. Si Daniel at ang kaniyang mga kaibigan, ay itinuturing > din na matatalinong tao, ngunit hindi tinawag o iniharap sa hari. Ngunit, sila ngayon ay napabilang sa pangkalahatang paghuli o pagdakip.
     Si Daniel ay namanhik para sa pag-antala sa kautusan ng pagpatay, na nangangako na kaagad niyang ibibigay sa hari ang ninanasang impormasyon. Nang gabing iyon siya at ang kaniyang mga kaibigan ay nag-alay ng kanilang maningas na pamanhik sa Dios upang maalaman ang panaginip ng hari at ang kahulugan nito. Nalalaman nila na kinaluluguran ng Dios yaong nagbibigay ng kanilang buong pagtitiwala sa Kanya, kaya nga sila'y natulog na lubos na nagtitiwala na mangyayari ang kalooban ng Dios. Nang gabing yaon, ipinakitang may kahabagan ng Dios ang panaginip ng hari kay Daniel, ganundin kung ano ang kahulugan ng panaginip, na ipinakikita na tanging Dios lamang ang nakaaalam ng bukas.


ANG MAKAHULUGANG LARAWAN NG MGA KAHARIAN

     Ang makapukaw-damdaming panaginip na ito ay tungkol sa isang napakalaking larawan na ang ulo ay ginto. Ang dibdib at mga bisig o braso nito ay yari sa pilak. Ang tiyan at mga hita nito ay tanso. Ang mga binti ay yari sa bakal, at ang mga paa at 10 mga daliri nito ay yari sa pinaghalong bakal at putik (tingnan ang Daniel 2:28-33). Ang ulo na ginto ay malinaw na ipinahayag na kumakatawan sa Babilonia (tingnan ang Daniel 2:37-38). Sa ilalim ni Nabucodonosor, ang Babilonia ay nakatipon ng ginto mula sa lahat ng mga bansang nabihag nito, na ginawa ito na siyang pinakamayamang bansa ng matandang panahon.
     Ngunit hindi sa ipinalalagay na kadakilaan ng kayamanan, o sa malinaw na na di pagkagapi masusumpungan ang lakas ng mga bansa o indibidwal, kundi sa pagkaalam at pagganap sa kalooban ng Dios. At ang kanilang kalalagyan o kahahantungan ay mapagpapasiyahan sa pamamagitan ng kanilang pakikitungo sa panukala ng Dios para sa kanila.

     Ang kaharian ng Babilonia ni Nabucodonosor ay tumagal lamang hanggang sa paghahari ng kaniyang apo na si Beltsazar, nang ang pangalawang bansa, na kinakatawanan ng dibdib at mga bisig na pilak, ay dumating sa hakbang ng pakikipagbaka. Karaniwan ang mataas na kaharian ang dumadaig o gumagapi sa mas mababa, ngunit ipinahihiwatig ng hula na hindi ganito ang mangyayari (tingnan ang Daniel 2:39). Sa larawan, ang kasaysayan ng pagsulong ng mga bansa mula sa ulo hanggang sa paa, at ang bawat pagbabago nito ay ipinakita ng metal na mas mababa sa sinundan nito.


BUMAGSAK ANG BABILONIA

     Ang pinagsamang pwersa ng Media at Persia ang sumalakay at gumapi sa kaharian ng Babilonia, at pumatay kay Beltsazar - ang huling hari ng Babilonia, at pagkatapos ay naghari si Darius na taga Media na kapalit niya (tingnan ang Daniel 5:28-31).

     Higit pa sa isang dekada bago ito mangyari, ipinakita na ng Panginoon sa pamamagitan ni Isaias ang paraan kung paano magagapi ang Babilonia at sa ilalim ng kaninong pamamahala ito magaganap (tingnan ang Isaias 44:27-28; 45:1-2). Sa ilalim ng pamumuno ni Cyrus na taga Persia, nagawang ilihis ang tubig ng Euprates ng mga kawal ng Media at Persia sa maikling panahon. Sa panahong ito kanilang pinasok ang syudad sa pamamagitan ng tuyong ilog. Ganoon paman, ang kanilang pagsisikap ay mawawalan ng saysay kung ang pintuang tanso ay hindi naiwanang bukas, na nababantayan ng mga kalaban, habang ang hari ang kaniyang mga nasasakupan at matataas na tao ay nagkakasiyahan at lasing (tingnan ang Daniel 5).
     Kung paanong ang pilak ay mas mababa sa ginto sa uri o halaga, ganun ang Medo-Persia ay mas mababa kaysa sa Babilonia sa kayamanan at karangyaan. Bagaman mas malakas o matatag ang Imperyo ng Persia sa kalakasang military at sa sakop na teritoryo, hindi nito kailanman malabanan ang Babilonia sa pinagsamasamang kayamanan at kaalaman. Ang Imperyo ng Persia ay tumagal ng dalawang daang taon, mula 539 hanggang 331 B.C.

     Ang sumunod na kaharian, na yari sa tanso, ay kinakatawanan naman ng kaharian na nagpabagsak sa Persia. Nalalaman natin mula sa kasaysayan na ang mga Griyego, sa ilalim ni Alexander the Great, na sa tatlong disididong pakikipagbaka (Granicus, noong 334 B.C.; Issus, noong 333 B.C.; at Arbela, noong 331 B.C.) ang tumalo sa pwersa ng Persia, na ginawa ang Greece na sumunod na imperyo ng sanlibutan. Ang makasaysayang katotohanan na ito ay malinaw ring ipinakita sa isa pang panaginip ni Daniel, na nakatala sa kapitulo 8, na kung saan tinutukoy doon ang kaharian na gagapi sa Persia ay ang Greece (tingnan ang Daniel 8:2-8, 20-21). Ang tanso ang metal na karaniwang ginagamit ng mga Griyego, at ipinakikilala rin sa kanilang mga sandata at baluti.
     Ang Roma, na kinakatawana ng mga binting bakal, ang dumaig sa mga kawal o sundalo ng Greece sa labanan ng Pydna noong 168 B.C.. Pagkatapos noon ay naghari ang Roma sa sanlibutan mula 168 B.C. hanggang AD. 476, nang ito ay ganap ng sumuko sa mga mananalakay na tribo ng barbaro.
     Sa mahigit na 500 mga taon, ang Roma ay tila baga hindi malulupig. Ang kaniyang watawat ay iwinagayway mula sa British Isles hanggang Euprates, mula North Sea hanggang Sahara. Ang kaniyang mga Caesar ay sinasamba na parang mga dios, at dahil sa kaniyang kapangyarihan, ginawa niya ang sanlibutan na isang malaking bilangguan o kulungan. Sa mga salita ng mananalaysay na si Edward Gibbon, "Ang lumaban ay nakamamatay, at imposibleng makatakas." The Decline and Fall of the Roman Empire, vol. 1 p 190.
     Nang bumagsak ang Roma, ang teritoryo nito ay nahati sa sampung bahagi na siya ngayong bumubuo sa mga bansa ng Europa. Kung paanong ang bakal at putik ay bahagyang malakas at bahagyang mahina ay ganun ang mga sampung bansa ng Europa na kung kinakatawanan ng paa at sampung daliri ng larawan.  Kung paanong ang bakal at putik ay hindi maaaring maghalo o magkasama, ganun ang mga bansang ito ay hindi kailanman ganap na magkakaisa bilang kapangyarihang mangingibabaw sa sanlibutan.

     Sa nagdaang labinglimang siglo, sinikap ng mga makapangyarihang tao na buhaying-muli ang kabantugan ng lumang Imperyo ng mga Romano, na pagisahin ang iba't ibang bansa ng Europa. Nag-umpisa kay Charlemagne at nagpatuloy sa pamamagitan ni Charles V, Louis XIV, Napoleon, Kaiser William II, at Adolph Hitler - lahat sila'y kapansin pansing nabigo, bagaman paminsan-minsan ang layunin ay para bagang malapit ng maabot. Tatlong mga mumunting salita ng hula ang tumayo laban sa kanila. "Hindi sila magkakalakipan (magkakaisa)" Daniel 2:43. At ang mga bansa ng Europa ay hindi kailanman mapag-iisa na magkakasama upang muling maging naghaharing kapangyarihan sa sanlibutan!


ANG PANAGINIP HINDI PA GANAP NA NATUTUPAD

     Ngunit hindi ito ang katapusan ng panaginip. Naipahayag din na sa araw ng mga kahariang ito, ay itatayo o itatatag ng Dios ng Langit ang Kaniyang walanghanggang kaharian. Ang kaharian na ito ng katuwiran, na kinakatawanan ng baton a tumama sa paa ng larawan ay magpapatuloy na lumaki o lumago hanggang sa ang buong sanlibutan ay mapuno, at walang kapangyarihan ng lupa ang makapagpapahinto ditto (tingnan ang Daniel 2:34-35, 44).
     Bagaman maraming mga hari at kapangyarihan ang sumubok o nagsikap na patayin si Cristo - na kinakatawanan ng Bato (tingnan ang 1 Corinto 10:4), at nagtaguyod ng pakikipagbaka laban sa matuwid na mga alagad ng kaharian ni Cristo, ngunit walang isa mang ganap na nagtagumpay at hindi kailanman sila magtatagumpay. Si Cristo at ang Kaniyang kaharian ay maghaharing mataas, ang Kaniyang kaluwalhatian at katotohanan ay lulukob at pupuno sa lupang ito kagaya ng mga tubig na pumuno sa karagatan (tingnan ang Habakuk 2:14). At lahat ng masasamang bansa ng sanlibutan ay madudurog ng pino kapag si Cristo - ang Bato ay muling dumating sa mga alapaap ng langit.


MAY PANAHON PA NA MAGKUBLI SA BATO

     Kaibigan, lalapit ka ba kay Cristo ngayo, na magkubli sa makapangyarihang Baton a ito at mawasak ang puso, na pinagsisisihan ang lahat ng iyong mga kasalanan upang bumangon at mamuhay ng bagong buhay na may pagkakataon na magkaroon ng buhay na walang hanggan kung magiging tapat hanggang sa huli? O mananatili kang palalo at di-nagsisisi, na nanghahawak sa iyong mga kasalanan hanggang sa maging huli na ang lahat, at hintayin ang makapangyarihang Baton a ito na mahulog sa inyo at durugin kayo hanggang maging pulbos - na walang pagkakataon para sa buhay na walang hanggan?  Mahal na mambabasa, nais mo bang tamaan ka ng makapangyarihang Bato na ito at mawaglit? O nais mong makasumpong ng kanlungan at matago sa Batong ito at maligtas? Nasa inyo ang pagpili.
     "Dinggin mo ang aking daing, Oh Dios; pakinggan mo ang aking dalangin. Mula sa wakes ng lupa ay tatawag ako sa iyo, pagka nanglupaypay ang aking puso: patnubayan mo ako sa malaking bato na lalong mataas kaysa akin. Sapagkat ikaw ay naging aking kanlungan, matibay na moog sa kaaway." Awit 61:1-3.

     "Pumasok ka sa malaking bato, at magkubli ka sa alabok, sa kakilabutan sa Panginoon, at sa kaluwalhatian ng kaniyang kamahalaan." Isaias 2:10.

     "Sa iyo Oh Panginoon, nanganganlong ako: huwag akong mapahiya kailanman. Iligtas mo ako sa iyong katuwiran, at sagipin mo ako. Ikiling mo ang iyong pakinig sa akin, at iligtas mo ako. Ikaw ay maging kanlungan ng aking tahanan, na aking kapaparunang lagi. Ikaw ay nagbigay utos na iligtas ako; sapagkat ikaw ay aking malaking bato at aking kuta." Awit 71:1-3.

     "Ang lahat ng ibinibigay sa akin ng Ama ay magsisilapit sa akin; at magsisilapit sa akin; at ang lumalapit sa akin sa anomang paraan ay hindi ko itataboy." Juan 6:37.