"LET THERE BE LIGHT" Ministries
home  |  Tagalog  Tracts

ANG  HULING  MENSAHE  NG  AWA  NG  DIYOS

     “Sapagkat gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanlibutan, na ibinigay Niya ang Kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa Kaniya’y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sapagkat hindi sinugo ang Anak sa sanlibutan upang hatulan ang sanlibutan; kundi upang ang sanlibutan ay maligtas sa pamamagitan Niya.” Juan 3:16-17

     Ang lahat ng mga tunay na nagsisi ng kasalanan, at sa pamamagitan ng pananampalataya ay inangkin ang dugo ni Kristo bilang kanilang tumutubos na sakripisyo, ay may nakatalang kapatawaran sa tapat ng kanilang pangalan sa mga aklat ng langit; habang sila ay nagiging kabahagi ng katwiran ni Kristo at nasumpungan na ang kanilang pag-uugali ay kasang-ayon sa kautusan ng Dios, ang kanilang mga kasalanan ay papawiin, at sila’y mapapabilang na karapat-dapat sa buhay na walang hanggan. (tingnan Isa. 43:25)…
     Tayo ay nabubuhay sa dakilang araw ng pagtutubos. Sa pangkaraniwang paglilingkod, habang ang dakilang saserdote ay gumagawa ng pagtutubos para sa Israel, ang lahat ay hinihingi na kanilang papagdalamhatiin ang kanilang mga kaluluwa sa pamamagitan ng pagsisisi ng kasalanan at pagpapakumbaba sa harapan ng Panginoon, baka sila ay alisin mula sa gitna ng mga tao. Sa ganito ring paraan, ang lahat na nagnanais na manatili ang kanilang mga pangalan sa aklat ng buhay, ay dapat na ngayon, sa nalalabing mga araw ng kanilang palugit na panahon, ay papagdalamhatiin ang kanilang mga kaluluwa sa harapan ng Dios sa pamamagitan ng pagkapighati para sa kasalanan at tunay na pagsisisi. Dapat na magkaroon ng malalim, tapat na pagsisisiyasat ng puso... Ang gawain ng paghahahda ay gawain ng bawat isa. Hindi tayo maliligtas sa mga pulutong… Ang bawat isa ay dapat subukin at masumpungang walang batik o  kulubot o anumang gayong bagay. (1)

MGA BULAANG PROPETA
     Habang ang mga bulaang propeta ay sumisigaw, “Kapayapaan at kaligtasan” at sinisikap na patahimikin ang mga budhi ng mga tao, at sinasabi sa makasalanan, “Huwag kang mabahala. Magiging mabuti ang iyong kalagayan.” Ang tinig ng mga lingkod ng Dios ay dapat marinig upang ibangon sila na mga natutulog, na sinasabi, “Biglang pagkawasak ay darating sa bawa’t kaluluwa ng tao na hindi gising, nagbabantay at naghihintay para sa pagpapakita ng kanilang Panginoon sa mga alapaap ng langit.” (2)

     May malaking gawaing dapat tapusin. Ang huling pabalita ay ibinibigay na sa sanlibutan. Ang lahat ng bagay sa mundo ng pulitika ay nagkakagulo. Mayroong mga digmaan at mga alingawngaw ng mga digmaan. Ang mga bansa ay nagngangalit…
     Ang pinakabanal at mahalagang gawain ay dapat magawa ng bayan ng Dios sa ating sanlibutan. Ang gawaing ito ay kinakatawanan ng ikatlong anghel na lumilipad  sa gitna ng langit. Ang pabalita ng ikatlong anghel ay pinangungunahan ng mga pabalita ng una at ikalawang mga anghel. Ipinahahayag ng unang anghel ang panahon ng paghatol ng Dios. Ang ikalawa ay ipinahahayag ang pagkaguho ng Babilonya. (3)

ANG PABALITA NG UNANG ANGHEL (Apok. 14:6-7)
     “At nakita ko ang ibang anghel na lumilipad sa gitna ng langit, na may mabuting balita na walang hanggan upang ibalita sa mga nananahan sa lupa, at sa bawat bansa, at angkan, at wika at bayan; At sinasabi niya ng malakas na tinig, “Matakot kayo sa Dios, at magbigay kaluwalhatian sa Kaniya, sapagkat dumating ang panahon ng Kaniyang paghatol: at magsisamba kayo sa Kaniya na gumawa ng langit, at ng lupa; at ng dagat, at ng mga bukal ng tubig.”

ANG PABALITA NG IKALAWANG ANGHEL (Apok. 14:8)
      “At ang iba, ang ikalawang anghel, ay sumunod, na nagsasabi, Naguho, naguho ang dakilang Babilonia, na siyang nagpainom sa lahat na bansa ng alak ng kagalitan ng kaniyang pakikiapid.”

ANG PABALITA NG IKATLONG ANGHEL (Apok. 14:9-12)
     “At ang ibang anghel, ang pangatlo, ay sumunod sa kanila, na nagsasabi ng malakas na tinig, Kung ang sino man ay sumasamba sa hayop at sa kaniyang larawan at tumatanggap ng tanda sa kaniyang noo, o sa kaniyang kamay, ay iinom din naman siya ng alak ng kagalitan ng Dios, na nahahandang walang halo sa inuman ng Kaniyang kagalitan; at siya’y pahihirapan ng apoy at asupre sa harapan ng mga banal na anghel at sa harapan ng Kordero: At ang usok ng hirap nila ay napaiilanglang magpakailanman; at sila’y walang kapahingahan araw at gabi, silang nagsisisamba sa hayop at sa kaniyang larawan, at sinumang tumatanggap ng tanda ng kaniyang pangalan. Narito ang pagtitiyaga ng mga banal, ng mga nagsisitupad ng mga utos ng Dios at ng pananampalataya ni Hesus.”
     Nakita ni Juan ang mga taong naiiba at hiwalay sa sanlibutan, na tumatangging sumamba sa hayop o sa kanyang larawan, na nagtataglay ng tanda ng Diyos, ipinapangiling banal ang Kaniyang Sabbath. Tungkol sa kanila ay isinulat ng apostol, “Narito ang pagtitiyaga ng mga banal, ng mga nagsisitupad ng mga utos ng Diyos at ng pananampalataya ni Hesus.” (Apok. 14:12).

ANG PABALITA NG IKAAPAT NA ANGHEL (Apok. 18:1-5)
     “Pagkatapos ng mga bagay na ito ay nakita ko ang ibang anghel na nananaog mula sa langit, na may dakilang kapamahalaan, at ang lupa ay naliwanagan ng kaniyang kaluwalhatian. At siya’y sumisigaw ng malakas na tinig, na nagsasabi; Naguho, naguho ang dakilang Babilonya at naging tahanan ng mga demonyo, at kulungan ng bawat espiritung karumaldumal, at kulungan ng bawat karumaldumal at kasuklamsuklam na mga ibon. Sapagkat dahil sa alak ng galit ng kaniyang pakikiapid ay nangaguho ang lahat ng mga bansa; ang ang mga hari sa lupa ay nangakiapid sa kaniya, at ang mga mangangalakal sa lupa ay nagsiyaman dahil sa kapangyarihan ng kaniyang kalayawan. At narinig ko ang ibang tinig na mula sa langit na nagsasabi, Mangagsilabas kayo sa kaniya, bayan ko, upang huwag kayong mangaramay sa kaniyang mga kasalanan, at huwag kayong magsitanggap ng kaniyang mga salot: Sapagkat ang kaniyang mga kasalanan ay umabot hanggang sa langit at naalaala ng Dios ang kaniyang mga katampalasanan.”

ANO ANG KASALANAN?
     Ano ang KASALANAN? - “Ang pagsuway sa kautusan” (1Juan 3:4). Ang Diyos ay nagsasalita laban sa Babilonya, “sapagkat siyang nagpainom sa lahat ng bansa ng alak ng kagalitan ng kaniyang pakikiapid.” (Apok. 14:8) Nangangahulugan ito, na siya (ang mga iglesya) ay nagwalang bahala sa tanging utos na nagtuturo sa tunay na Diyos, at sinira ang Sabbath (Sabado) na siyang alaala ng Diyos sa paglalang.
     Anim na araw na ginawa ng Diyos ang sanlibutan at nagpahinga sa ikapito, na Kaniyang pinabanal ang araw na ito, at ito’y ibinukod mula sa lahat ng araw bilang banal na araw sa Kaniyang sarili, upang tuparin ng Kaniyang bayan sa lahat nilang lahi. Nguni’t ang taong makasalanan, na ititnataas ang kanyang sarili kaysa sa Diyos, na nauupo sa templo ng Diyos at itinatanyag ang kaniyang sarili na siya ay Diyos, ay inisip na baguhin ang mga panahon at mga kautusan. Ang kapangyarihang ito (Iglesia Katoliko), iniisip na patunayan na hindi lamang ito kapantay ng Diyos kundi higit pa sa Diyos, binago ang araw ng kapahingahan, na inilagay ang unang araw ng sanlinggo na kung saan ang ikapito ang dapat na naroroon. At ang mundo ng Protestante ay kinuha ang anak na ito ng kapapahan upang itinuring bilang banal.  Ito ay tinatawag sa salita sa Diyos, na kaniyang pakikiapid.

ANG DIOS AY MAY PAKIKIPAG-ALIT SA MGA IGLESYA!
     Ang Diyos ay may pakikipag-alit sa mga iglesya ngayon. Kanilang tinutupad ang hula ni Juan: “Ang lahat ng bansa ay uminom ng alak ng galit ng kaniyang pakikiapid.” Kanilang inihiwalay ang kanilang mga sarili mula sa Diyos sa pagtangging tanggapin ang Kaniyang tanda. Wala silang espiritu ng tunay na bayan ng Diyos na nag-iingat ng mga utos. At ang mga tao sa sanlibutan, sa pagbibigay ng kanilang pahintulot sa huwad na sabbath, at sa pagtapak sa Sabbath ng Panginoon, ay uminom ng alak ng kagalitan ng kaniyang pakikiapid.
     Itinangi ng Diyos ang ikapitong araw bilang araw ng Kaniyang kapahingahan (tingnan ang Exodo 20:8-11). Ngunit ang taong makasalanan ay nagtatag ng huwad na sabbath, na tinanggap at itinaas ng mga hari at mangangalakal ng lupa kaysa sa Sabbath ng Biblia. Sa paggawa nito, kanilang pinili ang relihiyong katulad ng kay Cain, na pumatay sa kaniyang kapatid na sa Abel. Si Cain at si Abel ay parehong naghandog ng hain sa Dios. Ang handog ni Abel ay tinanggap sapagkat siya’y tumalima sa hinihingi ng Dios. Tinanggihan ang kay Cain sapagkat kaniyang sinunod ang kaniyang sariling likha. Sa ganitong dahilan kaya siya’y nagalit na mabuti na hindi niya pinakinggan ang mga pagsusumamo ni Abel, o sa mga babala at mga saway ng Dios, kundi kaniyang pinatay ang kanyang kapatid.

ANG HUWAD NA PAMAMAHINGANG ARAW
     Hindi pinahalagahan ng mga iglesya ang Dios sa pagtanggap ng huwad na pamamahingang araw. Tinanggap ng mga tao sa sanlibutan ang kasinungalingan, at nagalit sapagkat ang bayan ng Dios na nag-iingat ng mga utos ay hindi nirespeto at iginalang ang Linggo. Sinasabi ng Dios, “Ang kaniyang mga kasalanan ay umabot hanggang sa langit at naalaala ng Dios ang kaniyang mga katamplasanan. Ibigay din ninyo ang ayon sa ibinigay niya sa inyo, at ibayuhin ninyo ng ibayo sa kaniyang mga gawa; sa sarong kaniyang pinaghaluan ay ipaghalo ninyo siya ng ibayo. Kung gaano niya niluwalhati ang kaniyang sarili, at namuhay ng may kalayawan, bigyan mo rin naman siya ng ibayong hirap at pighati: sapagkat sinasabi niya sa kaniyang puso, Ako’y nakaupong reyna, at hindi ako balo, at hindi ko makikita ang kapighatian. Kaya’t darating sa isang araw ang mga salot, kamatayan, at pagluluksa, at taggutom, at siya’y lubos na susunugin sa apoy, sapagkat malakas ang Panginoong Diyos na humatol sa kaniya.” (Apok. 18:5-8)

     Ipinahayag ng Dios, “Kung ang sino man ay sasamba sa hayop at sa kaniyang larawan at tatanggap ng tanda sa kaniyang noo, o sa kaniyang kamay, ay iinom din naman siya ng alak ng kagalitan ng Diyos.” (Apok. 14:9-10). Parurusahan ng Diyos, yaong mga magtatangkang pilitin ang kanilang kapwa na ipangilin ang unang araw ng sanlinggo. Kanilang tutuksuhin sila na tanggihan ang kanilang katapatan sa Diyos. Tatanggapin nila ang bunga ng ipinagbabawal na puno at pagsisikapang pilitin ang iba na kumain nito. Kanilang pagsisikapang pilitin ang kanilang kapwa na magtrabaho o gumawa sa ikapitong araw ng sanlinggo at magpahinga sa unang araw. Sinasabi ng Diyos tungkol sa kanila, “Sila’y iinom ng alak ng kagalitan ng Diyos na ibubuhos na walang halo sa inuman ng Kaniyang kagalitan.”(talatang 10)
     “Katotohanang ipangingilin ninyo ang Aking mga Sabbath,” sabi ng Panginoon, “Sapagkat isang tanda sa Akin at sa inyo sa buong panahon ng inyong mga lahi, upang inyong makilala na Ako ang Panginoon na nagpapabanal sa inyo.” (Ex. 31:13). Ang iba’y sisikaping maglagay ng balakid sa daan ng pagsunod sa Sabbath, na nagsasabi, “Hindi mo nalalaman kung anong araw ang Sabbath,” ngunit tila kanilang nalalaman kung dumarating ang Linggo, at nagpapakita ng malaking kasigasigan sa paggawa ng mga batas para sa pangingilin nito, na para bang kanilang mapapamahalaan ang budhi ng mga tao.

ANG SABBATH NG DIOS ANG TANDA AT SUBUKAN NG KATAPATAN
     Ibinigay ng Diyos sa mga tao ang Sabbath na pinakatanda sa Kaniya at sa kanila, bilang subukan ng kanilang katapatan. Yaong mga, pagkatapos na ang liwanag tungkol sa utos ng Diyos ay dumating sa kanila, at nagpatuloy sa pagsuway, at itinaas ang utos ng tao ng higit na mataas sa utos ng Diyos sa malaking krisis sa harapan natin, ay tatanggap ng tatak ng hayop. Ang pagsagana o tagumpay ng Bayan ng Diyos ay nakabatay sa kanilang pagsunod. Ipinahahayag ng Panginoon; “At mangyayari, na kung inyong didingging maigi ang Aking mga utos na Aking iniuutos sa inyo sa araw na ito, na ibigin ang Panginoon ninyong Diyos at Siya’y paglingkuran ng buo ninyong puso, at ang buo ninyong kaluluwa, ay ibibigay ko ang ulan ng inyong lupain sa kaniyang kapanahunan, ang una at huling ulan upang iyong makamalig ang iyong trigo, at ang iyong alak, at ang iyong langis, at Aking bibigyan ng damo ang iyong mga hayop sa iyong mga bukid, at ikaw ay kakain at mabubusog. Mangag-ingat kayo, baka ang inyong puso ay madaya, at kayo’y maligaw, at maglingkod sa ibang mga dios, at sumamba sa kanila. At ang galit ng Panginoon ay mag-alab laban sa inyo, at Kaniyang sarhan ang langit, upang huwag magkaroon ng ulan, at ang lupa’y huwag magbigay ng kaniyang bunga; at kayo’y malipol na madali sa mabuting lupain na ibinibigay sa inyo ng Panginoon.” (Deut. 11:13-17)

     Sa Kaniyang mga pakikitungo sa matandang Israel, ang Dios ay nagbigay sa atin ng paglalarawan ng kahihinatnan pagkatapos ng isang pagsuway at hindi matuwid na gawa. Parurusahan Niya ang lahat, na gagawing kasiraan ang Kaniyang kaluwalhatian, katulad ng kung paano Niya pinarusahan ang mga anak ni Israel. Yaong nagtataas ng kanilang mga sarili ay ibababa, katulad ng Jerusalem, dahil sa kaniyang sariling gawa, ay napahiya at ibinaba. Ang kaniyang bayan ay pinili si Barabas, at sila’y iniwan ng Dios sa kanilang pinili. Hindi sila nagpasailalim sa daan ng Dios, kaya’t pinahintulutan Niya sila na magkaroon ng sariling daan at gawin ang mga layunin ng kanilang mga pusong hindi napabanal.
     Binabalaan ni Kristo ang mga Hudyo sa kanilang panganib, at namanhik sa kanila na manumbalik sa Dios, ngunit sila’y lubhang palalo upang tanggapin ang Kaniyang mga alok ng awa. Sila’y nagpatuloy sa daan ng paghihimagsik, at bilang wakas, ang pagkalinga ng mga makalangit na anghel ng Diyos ay umalis na mula sa kanila…
     Yaong mga nag-iisip na napaluguran nila ang Diyos sa pagtalima sa ibang mga utos kaysa sa Kaniyang mga utos, at sa pagganap ng ibang mga bagay maliban sa ipinag-uutos ng ebanghelyo, ay nililibak ang Dios. Kanilang hinahamak ang Banal ng Israel…
     Nang makita ni Kristo sa mga Hudyo ang isang bansang hiwalay sa Diyos, nakita rin Niya ang isang nagpapanggap na Kristiyanong iglesya na kaisa sa sanlibutan at sa kapapahan. At habang Siya’y nakatayo sa bundok ng Olivo, na iniiyakan ang Jerusalem hanggang sa ang araw ay makubli sa likod ng mga bundok ng kanluran, gayundin naman Siya’y nagmamasid at nagsusumamo sa mga makasalanan sa mga huling sandaling ito ng panahon. Hindi magtatagal at Kaniyang sasabihin sa mga anghel na may hawak ng apat na mga hangin, “Bitiwan ang mga salot. Hayaan na ang kadiliman, pagkawasak at kamatayan ay dumating sa mga mananalansang ng Aking utos.” Mapipilitan ba Siya na sabihin doon sa mga may dakilang liwanag at dakilang karunungan, na katulad ng sinabi Niya sa mga Hudyo, “Kung sa araw na ito ay nakilala mo sana, sa iyong sarili, ang mga bagay na nauukol sa iyong kapayapaan! Datapuwat ngayo’y pawang nangatatago sa iyong mga mata?” (Lukas 19:42)(4)

PAGBABALIK NI CRISTO MAS MALAPIT KAYSA INIISIP NG MARAMI
     Tayo’y walang panahong dapat sayangin. Ang mga kapangyarihan ng kadiliman ay gumagawa ng may matinding lakas, at si Satanas ay sumusulong ng may palihim na paghakbang na parang lobong maninila upang kunin yaong ngayon ay mga natutulog...
     Ang pagdating ng Panginoon ay lalong malapit kaysa ng tayo’y unang manampalataya. Ang malaking tunggalian ay malapit na sa katapusan. Ang bawat balita ng kalamidad sa dagat o lupa (o sa hangin) ay isang saksi sa katotohanang ang wakas ng lahat ng mga bagay ay malapit na.”(5)

ISANG LANGIT NA MATATAMO AT ISANG IMPYERNONG ITATAKWIL
     Tayo’y mgaing handa, magbantay at maging tapat sa pagsunod sa buong kautusan, at handang tumanggap ng Banal na biyaya. Ating “lubusin ang gawain ng ating sariling pagkaligtas na may takot at panginginig.” (Filipos. 2:12). Mayroon tayong Diyos na mapagmahal at matuwid, matiisin at mapagpahinuhod, ngunit huwag nating ubusin ang Kaniyang pagtitiis sa pamamagitan ng ating katigasan ng ulo, pagkamakasarili, at mapagwalangbahalang asal. May isang langit na dapat matamo at impyernong dapat itakwil, kaya nga “maging tagatupad tayo ng salita, at hindi tagapakinig lamang.” (Santiago 1:22).


 Great Controversy, p. 483, 489-90.
 Last Day Events, p. 64 (Letter 34, October 12, 1875).
 Last Day Events, p. 126 (Letter 98, July 10, 1900).
 Last Day Events, p. 126-28 (Letter 98, July 10, 1900).
 Review & Herald, November 12, 1914.